HINDI kaya isang joke (biro) o hyperbole lang ang banta ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na magpapadala siya ng “suicide troops” sa Pag-asa Island kapag ginalaw o pinakialaman ng China ang naturang isla na saklaw ng Palawan?
Aba, medyo tumatapang na yata si Mano Digong ngayon. Sabi nga ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo, baka bumilib na siya sa ating Pangulo kapag nanindigan sa isyung ito. AngPag-asa Island ay matagal nang teritoryo ng Pilipinas. Pinaninirahan ito ng ating mga kababayan noon pang 1974 at tuwing eleksiyon, naghahalal sila ng alkalde at mga konsehal.
Sagana ang Pag-asa Island sa yamang-dagat, sariwa at malinis ang hangin, maganda ang kapaligiran. Napunta na ako sa islang ito noong ako pa ang defense reporter ng BALITA. Kasama ko ang noon ay Defense Minister Juan Ponce Enrile at iba pang defense reporters nang magtungo rito mula sa Palawan. Maganda ang pulo, nanguha pa ako ng mga kabibe at bato sa dalampasigan nito.
Sana ay huwag pagnasaan at pakialaman ito ng bansa ni Pres. Xi Jinping, tulad ng pakikialam nito sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal) at iba pang reefs na saklaw ng ating Exclusive Economic Zones (EEZs). Para kasing tumatapang at nagiging pangahas ang China dahil sa paulit-ulit na pahayag ni PRRD naayaw niyang makipaggiyera ang PH sa dambuhala. Mr. President, walang Pilipino ang may gustong makipagbakbakan sa dragong China, ang nais lang natin ay ipaalam na mali ang ginagawa nila sa West Philippine Sea at pananatili sa mga lugar na teritoryo natin.
oOo
By the way, mananatili ang United States (US) na tanging alyado o military ally ng Pilipinas at wala nang iba pa. Ito angsinabini Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na dahilang US angbukod-tanging world power na “bastion of democracy and human rights”, mananatili siyang kaalyado ng PH na isang demokratikong bansa at gumagalang ng mga karapatang pantao (human rights).
“Hindi natin kailangan ang iba pa,” sabi ni Locsin. Eh paano Sec. Locsin ang naunang pahayag at kagustuhan ng ating Presidente na maging mga kaalyado ang China at Russia ni Pres. Vladimir Putin? Gusto pa nga ni PDu30 na magkaroon ng military exercises ang PH, China at Russia. Nais din niyang sa China bumili ng mga armas.
Batay sa Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Pilipinas at ng Estados Unidos, magtutulungan ang dalawa kapag inatake ang alin man sa kanila. Ang pahayag ay ginawa ni Locsin sa pakikipag-usap niya kay US Defense Sec. Michael Pompeo noong isang buwan. Tiniyak din ng US official natutulungan ang‘Pinas kapag ito ay sinalakay. Mr. Pompeo, sigurado ka bang kikilos ang US government kapag sinalakay ng China ang ‘Pinas dahil sa gusot sa WPS?
oOo
Nabalitaan o nabasa ba ninyo ang report tungkol sa haba ng buhay ng tao ngayon, partikular ng lalaki at babae, na ipinagkumpara ang itatagal nila sa mundo? Tumaas o humaba raw ang mga taon ng buhay ng mga tao sa mundo ngayon nang lima at kalahating taon, ayon sa United Nations health agency statistics report.
Sa ulat ng World Health Organization (WHO) Global Health Statistics Overview 2019, bukod sa average increase mula sa 66.5 taon na naging 72 taon na, ang 2019 findings sa “malusog” na life expectancy ay tumaas mula sa 58.5 taon noong 2000 sa 63.3 taon nitong 2016.
Sa kasalukuyang panahon, maramin ang mga tao sa mundo, kabilang ang Pilipinas, umaabot sa edad na 70, 80, 90 at 100 basta maingat sa sarili, tama ang diet (gulay at isda), may exercise at positibo ang pananaw sa buhay. Pahabain natin ang buhay, mag-exercise tayo araw-araw!
-Bert de Guzman