Huli na. Wala na si Christine.

Pigil ang pagpatak ng luha, pinakatitigang mabuti ni Lourdes Silawan Pardillo ang lalaking kaharap niya, may ilang metro lang ang layo sa kanya.
Nakasuot ng pangpreso na orange T-shirt si Renato Payuman Llenes, ang 43-anyos na umamin sa pagpatay sa anak ni Pardillo, si Christine Lee Silawan, 16, nitong Marso 10, sa Barangay Bankal, Lapu-Lapu City.
Mismong si Philippine National Police (PNP) Chief General Oscar Albayalde ang nagharap kay Llenes sa media ngayong Huwebes, sa Sinagtala Hall ng Police Regional Office (PRO)-7.
“Gusto kong humingi ng tawad sa pamilya (ni Christine),” sinabi ni Llenes sa Cebuano makaraang ikuwento ni Albayalde kung paano nila natunton ang suspek.
Paulit-ulit na nagpupunas ng luha, tumanggi si Lourdes at ang asawa niyang si Mario, na magpa-interview sa media.
Ayon kay Albayalde, umamin si Llenes sa harap ng dalawang abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO) at isang private lawyer.
“The suspect, assisted by two lawyers, a private lawyer and one from the Public Attorney’s Office, has executed an extra-judicial confession,” ani Albayalde.