MAHIGIT 3,000 rider mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang dumalo sa 25th National Federation of Motorcycle Clubs of the Philippines (NFMCP) National Convention sa Iloilo City nitong nakaraang weekend.

Magagarang big bike ang nagsagawa ng ‘Unity Ride’ mula sa Iloilo Convention Center patungo sa Anhawan Beach Resort kung saan sila nagsalu-salo ng masasarap na pagkaing Ilonggo – baked talaba, inihaw na pusit, grilled pork at lechon.

Ilan sa mga rider ay nanggaling pa sa Luzon at Mindanao sakay ng kanilang magagarang big bike tulad na may tatak Ducati, BMW, KTM at iba pa. Hindi naman nagpaiwan ang mga motorsiklo ng tinaguriang “Big Four” Japanese brand na kinabibilangan ng Honda, Yamaha, Suzuki at Kawasaki.

Bumiyahe ang iba’t ibang motorcycle club patungo sa Iloilo sakay ng RO-RO (roll on, roll off) vessel. Ang iba ay dumayo pa ng Boracay bago nagtungo sa convention venue habang ang iba ang rumonda pa sa ibang bahagi ng Panay Island.

Hindi maitatanggi na malaking tulong sa lokal na industriya ng turismo ang pagdayo ng mga big bikers sa Iloilo City.

Laking gulat din ni Boy Commute nang bumulaga ang magagandang imprasktraktura ng siyudad na posibleng akalain ng isang taga-Maynila nas iya ay napadpad na sa BGC (Bonifacio Global City) dahil sa pagiging high class ng mga establisimiyento na nakahilera sa tapat ng convention center.

Malaking event ang taunang national motorcycle convention kaya’t karamihan sa mga dumadalo dito ay talagang pinaghahandaan ang naturang okasyon.

Subalit bukod sa makukulay nakaganapan sa bikers’ convention, ang anunsiyon ni PangulongDuterte sa bikers’ fellowship night noong Sabado ang bumulaga sa mga panauhin.

Doon nagbitaw ang Pangulong Duterte na sususpindehin nito ang ‘doble-plaka’ law dahil ilang probisyon nito ang maglalagay sa peligro sa kaligtasan ng mga biker, partikular na ang paglalagay ng plaka nagawa sa yero o plastic sa harap ang bahagi ng motorsiklo.

Hindi rin pabor si Mayor Digongsa P50,000 multa na ipapataw sa mga rider na mahuhuling nagmamaneho ng motorsiklo na walang plaka.

Maluha-luha sa tuwa ang mga rider dahil sa pahayag ng Punong Ehekutibo.

Ang tanong: Tuloy kaya ang gagawing pag-amiyenda sa Republic Act 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act?

O ito’y isang papogi lang sa administrasyong Duterte dahil malapit na ang mid-term eleksiyon at isa sa mga bata nito na si Sen. JV Ejercito ay tumatakbo bilang re-electionist?

Masagip kaya ni Tatay Digong si JV ngayong eleksiyon dahil sa pagkontra nito sa ‘doble-plaka’ law?

-Aris Ilagan