NAKABUO ang pamahalaan ng ilang narco-list—isa na may 45 lokal na opisyal ng pamahalaan, ikalawa na may 10 piskal, at ikatlong listahan na may 13 hukom. Mayroon din listahan ng mga artista ngunit ang mga ito ay gumagamit—biktima, hindi suspek o protektor ng kalakalan ng droga sa bansa.
Makalipas ang ilang linggo ng publikong debate hinggil sa kung kailangang isapubliko ang listahan, inihayag ni Pangulong Duterte ang mga pangalan ng 33 alkalde, pitong bise alkalde, tatlong kongresista, isang bokal at isang dating alkalde. Aniya, inilabas niya ang mga pangalan ng nasa listahan dahil tumatakbo ang mga ito sa halalan ngayong Mayo 13 at kailangang malaman ng mga tao na sangkot ang mga ito sa droga.
Gayunman, tinanggihan ng Pangulo na pangalan ang mga piskal at mga hukom. Agad na hiningi ng Department of Justice (DOJ) sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga pangalan ng nakalistang mga piskal upang makapagsagawa ang ahensiya ng sarili nitong imbestigasyon. Ngunit tumanggi ang PDEA, at sinabing hindi tapos ang balidasyon sa listahan.
Ikinadismaya ni Secretary of Justice Menardo Guevarra ang naging desisyon ng PDEA na huwag ibahagi ang listahan nito. “It is regretful that the PDEA announced it before validation because everyone in the prosecution service as well as judges in the judiciary became a suspect at this point when the names are being withheld,” aniya.
Hiniling din ng Korte Suprema sa PDEA na ibigay ang mga pangalan ng hukom na kasali sa listahan ngunit tinanggihan din ito ng PDEA. na sinabing hindi pa tapos ang imbestigasyon. Ipinag-utos na ng Kataas-taasang Hukuman kay Justice Diosdado Peralta na magsagawa ng sarili nitong imbestigasyon.
Ang naging unang anunsiyo na maraming lokal na opisyal ng pamahalaan, mga hukom, at piskal ang sangkot sa droga ang nagpaliwanag sa atin kung gaano na kalaki ang problema sa droga ng ating bansa. Nitong nakaraang Miyerkules, inihayag din ng Pangulo na sinasabotahe ang kanyang war on drugs ng mga tiwaling pulis sa Philippine National Police.
Ngunit matapos ang anunsiyo at pagkakalantad ng kaugnayan ng sangay at opisina ng pamahalaan—mula sa mga pulis hanggang sa mga piskal at hukom—kinakailangang tiyakin ang mga akusayon. Hindi natin dapat pabayaang mabinbin ng matagal na panahon ang mga kasong ito.
Kahit pa patuloy ang aksiyon ng PDEA upang malantad ang katotohanan hinggil sa mga kaso ng pagkakasangkot, kinakailangan nitong ibahagi ang impormasyon sa ibang opisina ng pamahalaan—partikular na sa Department of Justice at Korte Suprema—na may sariling paraan at kakayahang mag-imbestiga ng kaugnayan ng mga sarili nitong tao.
Hindi man nalantad sa ngayon ang pagkakakilanlan ng mga piskal at hukom, tulad ng pagkasiwalat sa mga pangalan ng mga alkalde at kongresista na tumatakbo ngayon para sa halalan, dapat tanggapin ng PDEA ang alok ng DoJ at Korte Suprema na magsagawa ng sarili nilang pagsisiyasat sa mga aktibidad ng kanilang mga kasapi.