Sa rehas ang bagsak ng isang taxi driver nang holdapin umano nito ang kanyang pasaherong dayuhan sa Pasay City, nitong Miyerkules.

CABBIE_ONLINE

Naghihimas ng rehas sa Pasay City Police at nahaharap sa kasong robbery at paglabag sa BP 6 in relation to Omnibus Election Code si Jose Sajul y Froilan, alyas Joey, 61, ng 29 Engineering Street, GSIS Village, Sangandaan, Quezon City.

Kinilala ang biktima na si Tze Chea Kon, 22, Malaysian, tumutuloy sa isang condo unit sa MOA Complex, sa Pasay City.

National

Bagyo sa labas ng PAR, pinangalanan nang ‘Romina’; Signal #1, itinaas sa Kalayaan Islands

Sa ulat ni Col. Bernard Yang, hepe ng pulisya, naganap ang insidente sa EDSA Extension sa panulukan ng Sunrise Drive, MOA Complex sa Pasay City, bandang 3:30 ng hapon.

Sa salaysay ng biktima, sakay siya sa taxi na minamaneho ni Sajul nang bigla umano siya nitong tinutukan ng kutsilyo at nagdeklara ng holdap, bago tinangay ang kanyang personal na gamit at P6,000 cash.

Agad na pinababa ng suspek ang biktima, na humingi ng tulong sa mga tauhan ng MOA Police Community Precinct (PCP) na sina Cpls. Aljon Persia at Leo Binayug, Jr., dahilan upang madakip si Sajul sa follow-up operation.

Narekober sa suspek ang isang kutsilyo at ang mga ninakaw sa dayuhan.

Isasailalim ang suspek sa inquest proceedings.

-Bella Gamotea