Umusad ang Adamson University sa UAAP Season 81 Men’s Volleyball Tournament Final Four round matapos gapiin ang University of the East, 27-25, 25-17, 25-19, kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Ito ang unang pagkakataon na nakapasok ang Adamson sa Final Four mula noong Season 78.

Dahil sa panalo, umangat ang Falcons sa rekord na 8-4, kapantay ng Ateneo De Manila University kasunod ng top 2 seeds National University (10-1) at Far Eastern University (8-2).

“Para sa akin na last year na sa UAAP, sobrang laking bagay na nakapasok kami sa Final Four sa ganitong paraan na nakuha na namin kahiy may natitira pang games,” pahayag ni Falcons skipper Paolo Pablico na nagtala ng 12 puntos sa nasabing panalo.

Filipino Olympian Hergie Bacyadan wagi kontra Chinese kickboxer; sinungkit gintong medalya

“Ngayon, dapat hindi kami makuntento kasi alam namin na may kaya pa kaming ipakita, marami pa kaming kayang ipanalo,” dagdag nito.

Tumapos na topscorer si George Labang para sa Adamson sa itinala nyang 17 puntos mula sa 13 attacks, 2 blocks, at 2 aces.

Nanguna naman para sa Red Warriors sina Noel Alba at Lloyd Josafat sa iniskor nilang 11 at 10 puntos ayon sa pagkakasunod.

-Marivic Awitan