Tatlong Pilipinong mag-aaral ang nakatanggap ng katangi-tanging parangal nang ipangalan sa kanila ang tatlong minor planets bilang bahagi ng kanilang pagkapanalo sa 2018 Intel International Science and Engineering Fair (ISEF).
Ipinangalan kina Eugene Rivera, Joscel Kent Manzanero at Keith Russel Cadores ng Camarines Sur National High School sa Naga City ang tatlong planeta nang makuha ng grupo ang ikalawang karangalan sa “Energy: Physical” category ng 2018 ISEF para sa kanilang entry na Solar-Tracking Arduino-Rooted PV Panels, na idinesenyo at binuo ng grupo.
Naging kinatawan ng Pilipinas ang tatlo nang mapagwagian nila ang 2018 National Science and Technology Fair (NSTF) sa bansa, ayon sa Department of Education, na nagbahagi ng balita sa kanilang Facebook page.
Nakatanggap din ang tatlo ng sertipiko na kumikilala sa partikular na minor planet na nakapangalan sa kanila, gayundin ang lokasyon nito.