NAGTATALUMPATI si Pangulong Duterte sa Palawan nitong nakaraang linggo nang magbanta siya na isususpinde niya ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus at magpasimula ng isang “rebolusyunaryong digmaan” kung itutulak siya ng mga patuloy na humaharang sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga, kriminalidad, kurapsyon sa pamahalaan, at ang kanyang pinakabagong kautusan ang pag-aralan ang mga kontrata ng pamahalaan sa mga pribadong kumpanya.
Gayunman, sa halip na mapatahimik ang kanyang mga kritiko, lalo lamang nagdulot ng kritisismo ang kanyang banta ng rebolusyunaryong digmaan. Nabanggit ni Vice President Leni Robredo, na kung mangyayari ito—ang pamumuno ng Pangulo sa isang rebolusyunaryong digmaan—mangangahulugan ito ng kanyang paghalili bilang pangulo ng konstitusyunal na pamahalaan.
Sa naunang panahon, isang malakas na pangulo—si Ferdinand Marcos—ang gumamit ng batas militar, bilang itinakda ng Konstitusyon ng 1935, upang makuha ang malakas na kapangyarihan ng pamahalaan noong 1972. Binuwag niya ang Kongreso at nagpatuloy sa pagmumuno sa bansa sa ilalim ng batas militar sa loob ng siyam na taon, na na sundan ng pagpapatupad ng isang uri ng awtoritaryang gobyerno sa sumunod na limang taon, hanggang siya ay mapatalsik ng People Power Revolution noong 1986.
Upang masiguro na hindi na muling magagamit ang martial law ng sinumang malakas na pangulo upang makuha ang dikdaturyal na kapangyarihan, nagtakda ang bagong Konstitusyon ng 1987 ng maraming limitasyon sa paggamit nito. Maidedeklara lamang ito sa kaso ng rebelyon o pananakop. Magpupulong ang Kongreso sa loob ng 60 araw at maaaring pagbotohan upang bawain ang proklamasyon.
Walang ganitong limitasyon sa isang rebolusyunaryong digmaan, ngunit mangangahulugan ito na pagbalewala sa Konstitusyon. Na nangangahuluhan ng kawalang-saysay ng nakatatag na pamahalaan. Nangangahulugan ng isang buong bagong pamahalaan, na hindi kumikilala ng kasalukuyang pamantayan at mga ipinagbabawal ng ating Konstitusyon. Ganito ang ipinaglalaban ng New People’s Army at Communist Party of the Philippines, at kung sakaling magwagi sila sa rebolusyonaryong digmaan magtatayo ang mga ito ng rebolusyonaryong pamahalaan.
Malamang na walang radikal na hakbang sa kanyang isip ang Pangulo. Naiinis lamang siya na ang mga nais niyang reporma para sa bansa ay hindi mabilis na maisakatuparan. Nitong Miyerkules, inihayag niyang sinasabutahe ang kanyang drug war ng mga tiwaling pulis, mga opisyal at ilang miyembro ng Philippine National Police.
Tunay na nagdurusa ang bansa sa napakaraming malalaking problema na hindi mabilis masolusyunan. Mabuti na lamang at nakapagsimula na si Pangulong Duterte ng malaking hakbang na naglantad sa tindi ng mga reporma na kinakailangan. Hindi malulutas ang mga suliranin sa isang gabi ngunit malinaw sa atin ang maraming problemang kinakaharap ng ating bansa. Kaya naman umaasa tayo sa susunod pang mga lider na magpapatuloy ng mga aksiyong nasimulan na ni Pangulong Duterte.