MUKHANG natatauhan at nabubuhayan na ng dugo ang Duterte administration kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea (WPS). Tungkol ito sa daan-daang Chinese vessels na aali-aligid sa Pag-asa Island malapit sa Palawan na saklaw ng teritoryo ng Pilipinas at matagal nang pinaninirahan ng ating mga kababayan.

Ayon sa mga report, naghain ng protesta ang Department of Foreign Affairs (DFA) at tinawagan ng pansin ang dambuhalang China hinggil sa illegal na presensiya sa lugar, maliwanag na paglabag sa soberanya ng Pilipinas. Batay sa note verbale ng DFA, isinasaad na labag sa batas ang presensiya at pananatili ng mga barko ng China sa Pag-asa Island at sa iba pang maritime features ng Kalayaan Island Group (KIG).

Natatandaan ko pa na nang ako ay Defense reporter ay nagpunta kami ng iba pang reporters kasama ang noon ay Defense Minister Juan Ponce Enrile sa Pag-asa. Maliit lang ang isla pero sagana sa yamang-dagat. Namulot pa ako ng mga kabibe at bato roon. Kasama ko ang Defense reporters na sina Joe Vera, Alex Allan, Cecilio Arillo, Jun Francisco, Boy Aguinaldo (cameraman), at iba pa na hindi ko na matandaan. Noon pa ay may mga kababayan na tayong nakatira roon.

Sa panig ng China, sinasabi nila na mga mangingisdang Tsino ang lulan ng mahigit 200 barko na nasa Pag-asa Island. Subalit iba ang hinala at paniniwala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng mga sibilyan doon. Ang lulan ng mga barko ay Chinese militiamen.

Sa wikang English, ganito ang pahayag ng DFA: “Such actions are clear violation of Philippine sovereignty, sovereign rights and jurisdiction, as defined under the international Law including the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).”

Samakatuwid, nagrereklamo na tayo ngayon. Hindi iyong laging sinasambit ng Malacañang na ayaw nating makipaggiyera sa China dahil mauubos lang ang ating mga kawal at pulis kapag pinagalit at nilabanan ang dambuhala. Eh sino ba ang gustong makipagdigmaan ang ‘Pinas? Wala naman ah.

oOo

Nagbabala si PRRD na sususpindehin ang writ of habeas corpus kapag hindi tumigil ang mga kritiko sa pagbatikos at paninira sa kanya. Marami na raw siyang problema sa kurapsiyon, illegal drugs, peace and order at iba pa, kung kaya kapag nasagad na siya, sususpindehin niya ang writ of habeas corpus at ipadarakip ang mga kritiko. Magdedeklara rin siya ng “revolutionary war” laban sa mga kalaban hanggang sa pagwawakas ng kanyang termino.

Ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa. Malaya ang sinuman sa pagpapahayag. Malaya ang sinumang pumuna. Malaya rin ang Estado na ipagtanggol ang sarili kung kaya malaya itong tumugon sa lahat ng kritisismo na ibinabato. Malaya ang gobyerno na magsampa ng kaso kung kinakailangan upang linisin ang sarili sa mga akusasyon!

-Bert de Guzman