ARAW ng Kagitingan ang Abril 9. Minsan, tinatawag din itong Bataan Day. Nakalulungkot lang na tumatak na sa mga isipan ng karamihan sa atin na ang mahalagang araw na ito ay isang pagkakataon para magpahinga sa trabaho o magbakasyon, dahil isa itong taunang non-working holiday. Makatutulong naman ito sa lokal na turismo at sa ating ekonomiya, pero hindi para sa ating makabayang paggunita.
Binibigyang-pugay tuwing Araw ng Kagitingan ang kabayanihan ng mga sundalong Pilipino noong World War II nang ipagtanggol nila ang bansa, gamit ang kakarampot at naghihingalo nilang lakas, laban sa pagsalakay ng puwersang Japanese. Sa katunayan, binibigyang-pugay nito ang dalawang makasaysayang pangyayari—ang Fall of Bataan at Fall of Corregidor. Dati ay magkahiwalay nating ipinagdiriwang ang dalawang pangyayaring ito, ang Bataan ay tuwing Abril 9, habang Mayo 6 naman ang Corregidor.
May ilang nagtatanong kung bakit kailangan nating gunitain ang mga pagkatalo o kabiguan. Bakit daw ginawa pang holiday ang mga araw na nabigo ang puwersang Pilipino na idepensa ang bayan? Wala sa lugar—at walang sapat na kaalaman sa kasaysayan—ang tanong na ito.
Una, hindi natin ginugunita ang mismong pagkatalo natin, kundi ang katapangan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na nanindigan at nagpursigeng lumaban hanggang sa huling hibla ng kanilang lakas, hanggang sa mga huling oras ng kanilang buhay. Tayo ang huling bansa sa Timog-Silangang Asya na nasakop ng agresibong sandatahan ng Japan. Gumugol ang mga Japanese ng limang buwan bago nito napasakamay ang Pilipinas.
Ikalawa, ginugunita rin ng Araw ng Kagitingan ang nakapangingilabot na Bataan Death March, kung saan nasa 70,000 Pilipino at Amerikanong prisoners of war (POWs) ang sapilitang pinaglakad, sa gitna ng matinding sikat ng araw, ng mga Hapon. Sa taya ng mga historian, nasa 5,000 hanggang 10,000 sundalong Pilipino ang isa-isang binawian ng buhay habang nilalakad ang 128 kilometro mula sa Mariveles, Bataan hanggang sa San Fernando, Pampanga. Kung hindi pagmamahal sa bayan ang tawag doon, hindi ko alam kung ano pa.
Ikatlo, mahalagang maunawaan natin ang mga “pagkatalo” na ito sa konteksto ng pangkalahatang pakikipaglaban ng mga Pilipino. Ilang taon ang nakalipas matapos ang pagbagsak ng Bataan at Corregidor sa puwersang Japanese, muling bumangon ang Pilipinas bilang malaya at nagsasariling bansa noong 1946. Ang kalayaan nating ito ay ihinugis ng napakarami pero pansamantala lang na mga balakid, at kung paanong paulit-ulit nating napagtagumpayan ang mga paghamong ito.
Higit sa lahat, tagumpay man o kabiguan, kailangang laging sariwa sa ating mga alaala ang ating kasaysayan. Ang mga kaganapang ito, bagamat ilang dekada na ang nakalipas nang mangyari, ay bahagi ng pagkatao natin bilang mga Pilipino. Ang mga pagkatalong ito ay maituturing na bahagi ng pagtatagumpay. Sa kabila ng mga kabiguan, nagawa pa rin nating makaalagwa at makamtan ang ating kalayaan bilang isang bansa.
Gaya lang sa ating buhay, ang mga kabiguan ay bahagi ng pagtahak natin patungo sa sariling tagumpay. Lagi kong sinasabi sa aking mga anak na ang mga kabiguan sa buhay ay kasing halaga ng pagtatagumpay. Walang sinuman ang nakaraos sa buhay nang hindi nabibigo, o hindi napapasadlak.
Gaya nga ng sinabi ni Winston Churchill, “success is stumbling from failure to failure with no loss of enthusiasm”. Totoo ang kasabihang ito, lalo na para sa mga negosyante. Sa pagnenegosyo—kahit MSMEs man o malaking negosyo—ay walang garantisadong panalo. Sa katunayan, marami ang nabibigo sa una nilang pagtatangka.
Subukan ninyong alamin ang kuwento ng ilan sa pinakamatatagumpay na negosyante at madidiskubre ninyong higit na naging matamis ang kanilang pagtatagumpay dahil marami silang dinaanang pagsubok bago narating ang kinalalagyan nila ngayon.
Ang una kong pagtatangka sa negosyo ay sa pagsu-supply ng seafoods. Sa una ay naging maayos ang lahat, hanggang sa isa sa mga establisimyentong pinagsusuplayan ko ang hindi na nagbayad sa akin. Kinailangan ko pang manghingi ng “meal tickets” o vouchers sa may-ari upang makabawi.
Ang ating kuwento bilang mamamayan ay siksik sa mga pagpupunyagi. Pero higit na masarap ikuwento ang mga pagtatagumpay na epekto ng mga hadlang at balakid na ating napagtagumpayan. Ang ating mga pagpupunyagi bilang isang bansa ay higit na pinag-ibayo ng kabayanihan ng mga nagsipagbuwis ng kanilang buhay.
Malinaw na tinukoy ng karakter ni Elias sa nobela ni Jose Rizal ang mga haharapin nating pagsubok bilang mga Pilipino: “Mamamatay ako na hindi man lang nasisilayan ang bukang liwayway ng aking bayan…kayong makakakita, batiin ninyo ito nang buong galak…ngunit huwag kalimutan ang mga taong nalugmok sa gitna ng dilim.”
Huwag nating lilimutin ang kagitingan at kabayanihan ng ating mga ninuno.
-Manny Villar