MARIING tinanggihan at binalewala ng dating pamunuan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang limang malalaking panukala noong 2013, na naglalayong pigilan ang posibilidad ng pagkakaroon ng “water shortage” sa ilang bahagi ng Metro Manila, ang naging sanhi ng problema sa tubig na ipinupukol naman ng mamamayan sa Manila Water Company Incorporated (MWCI).

Paulit-ulit kong binasa ang mga dokumento – bahagi ng imbestigasyong isinasagawa hinggil sa “water shortage” – na aking nakalap at malinaw pa sa sikat ng araw, makikita rito na ang MWSS na noo’y pinamumunuan ni Architect Gerardo Esquivel bilang administrator nito, ang namayani sa balitaktakan kaya’t nagkaroon ng problema.

Wala kasing natuloy ni isa man lang sa limang proyekto na bahagi ng mga mungkahi ng MWCI, na dapat sana’y nakatulong nang malaki sa naging problema sa daloy at pressure ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila ngayong taon ng 2019.

Ayon sa dokumentong nabasa ko, Marso 31, 2012 pa lamang ay may panukala na ang MWCI na magtayo ng isang pasilidad na magsu-supply ng 2,222 MLD “raw water” para sa sa may 1,705 MLD na pangangailangan ng mga connector nito, at ang sobra ay para naman sa 23% na pondo sa panahong tataas ang konsumo sa tubig.

Tahasan itong tinanggihan ni Administrator Esquivel at sa halip ang pinayagan niyang maitayo ay para lamang sa 1,636 MLD na “raw water” supply na pupuno sa pangangailangan na aabot sa 1,408 MLD. ‘Yun lang, wala itong kasamang pondo sakaling tumaas ang consumption ng mga connectors.

Sa isang sulat na may petsang Hulyo 9, 2013, tinanggihan ni Esquivel ang rekomendasyon ng MWCI na i-rehabilitate ang pagtagas ng tubig mula sa linya ng malalaking tubo na kung tawagin ay Aqueducts 1 at 2. Dapat sana’y nakatulong ang proyektong ito na ‘di maaksaya ang may 40MLD na “raw water” na dumaraan sa mga naturang linyan.

Makaraan lamang ang ilang buwan, nag-rekomenda na naman ng mga proyekto ang MWCI sa MWSS – karagdagang supply ng 75 MLD “raw water” sa pamamagitan ng 100-MLD Rizal Province Water Supply Improvement Project (RPWSIP) at ng Tayabasan River Water Supply Project.

Ngunit nakapagtatakang ang lahat ng ito ay tinanggihan ni Esquivel sa sulat niyang may petsang Agosto 13, 2013. Ipinagpilitan niya na: “Even without these two proposed projects, raw water supply of both concessionaires will be sufficient up to 2019 considering the expected operation of the NCWS (Kaliwa Dam).” Eh ‘di lumitaw rin ang katotohanan na isa si Esquivel sa mga nagtutulak sa proyektong Kaliwa Dam na ‘di naman naka-take off nu’ng panahon niya, at sa halip ay umabante sa pagpasok ng Duterte Administration.

Nang sumunod na buwan, Setyembre 12, 2013, isinapubliko na ng MWCI ang ‘di maintindihang mga desisyon ni Esquivel: “Esquivel is cutting away significant programs for building and maintaining the water systems in the East Zone…because of this, our ability to fulfill our service obligations to our customers will be severely compromised and impaired.”

Ngunit makaraan ang halos tatlong taon, noong Mayo 19, 2016 ay binaligtad na ni Esquivel ang lahat ng nauna niyang desisyon at inutusan ang MWCI na: “To undertake the procurement for RPWSIP’s additional 50 MLD through direct negotiation,considering the delay in the implementation and expected completion of the Kaliwa Dam project.”Ang sinasabi niya rito na RPWSIP ay ang paggamit na rin ng “raw water” ng Laguna Lake at Cardona Water Treatment Plant, na magkakasabay niyang ibinasura.

Oh, ‘di ba, lutang na lutang ang kapalpakan ng mga desisyon ni Esquivel dahil kung noon niya pa sana ay inaprubahan ang mga proyektong nabanggit, wala sanang naganap na water shortage sa Metro Manila.

Kung bakit niya ginawa ito at sino ang nakinabang sa kanyang mga pagpapasiya, palagay ko, ito ang dapat na imbestigahan.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].

-Dave M. Veridiano, E.E.