“MARAMI na akong problema sa kriminalidad, droga, rebelyon at lahat na. Kapag pinilit pa ninyo sa abot ng aking kakayahan, sususpendihin ko ang writ of habeas corpus at ipaaaresto ko kayong lahat. Isasama ko kayo sa mga rebelde, kriminal, drug addict. Pinahihirapan ninyo ako? Magdedeklara ako ng rebolusyonaryong digmaan hanggang sa katapusan ng aking termino. Tignan natin kung sino ang unang susuko,” wika ni Pangulong Duterte sa pagtitipon ng Prosecutors’ League of the Philippines sa Puerto Prinsesa nitong Martes ng gabi.
Pagkatapos, sinabi niya sa mga mamamahayag na binalaan lang niya ang mga kritiko na huwag siyang sasagarin, dahil mapanganib para sa lahat.
“Bilang alkalde at Pangulo, sasabihin ko ang gusto kong sabihin. Kapag sinabi kong papatayin kita, isa iyan. Maaaring tototohanin ko ito o tinatakot ko lang kayong lahat para manahimik,” dagdag pa niya.
Hindi nagustuhan ng Pangulo ang payo sa kanya ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na mag-ingat siya sa pagrerepaso ng mahahalagang kotrata ng gobyerno para matiyak na walang mabigat na probisyon ang mga ito na makapipinsala sa bansa. Kasi, nakalusot sa kanya ang hindi magandang probisyon ng kontrata ng gobyerno sa Maynilad na pinagbabawalan ang gobyerno na pakialaman ang kasunduan.
Nang madiskubre ito ng Pangulo, nag-isyu siya ng direktiba noong panahon ng pulong ng Gabinete nitong Lunes. Hindi ko alam kung ano ang ikinapikon ng Pangulo sa payo ni Sen. Drilon. Kung isasaalang-alang mo ang pahayag ng Pangulo, parang dinagdagan o pinabigat ni Drilon ang trabaho ng Pangulo gayong, ayon dito, sagad na ito sa mga problemang kriminalidad, rebelyon, droga at iba pa.
Pero trabaho niya itong ipinayo sa kanya ni Drilon. Tungkulin niyang pangalagaan ang kapakanan ng bansa at mamamayan. Isa rito ay alamin ang kontratang pinapasok ng gobyerno upang hindi nalalagay sa alanganin ang interes ng bansa.
Hindi puwedeng mangyari ang mapatahimik mo ang iyong kritiko dahil, tulad din ni Drilon, may tungkulin siyang sinumpaan na gampanan ito para sa ikabubuti ng mamamayan. Kailangan bang takutin mo ito sa paggamit mo ng iyong kapangyarihan kahit walang batayan? Makatuwiran bang suspendihin mo ang writ of habeas corpus at ipaaresto ang kagaya ni Drilon na gumaganap din sa kanyang tungkulin?
Ayon kay Sen. Ping Lacson, hindi gagawin ng Pangulo ang kanyang banta at pananakot dahil matalino ito at alam niyang hindi niya ito kayang gawin.
“Dapat malaman ng Pangulo na ang gamitin ang parehong taktika ni dating Pangulong Marcos ay hindi nagtatapos ng maganda,” wika naman ni dating Commission on Human Rights Chair Etta Rosales.
Ang paliwanang naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa banta ng Pangulo ay pagpapakita lang daw ng pagkadismaya sa walang katapusang hadlang sa pagnanasa nitong proteksyunan ang interes ng taumbayan.
Pero remedyo ba para maalis ang mga hadlang na ito sa pagnanais niyang pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan ang suspendihin ang writ of habeas corpus, arestuhin ang kanyang mga kritiko at magtatag ng revolutionary government? Eh, normal sa demokrasya ang kritiko na isa sa mga pangunahing batayang prinsipyo ay checks and balance.
Kaya tama si Sen. Risa Hontiveros, ang pinagbabantaan ng Pangulo ay mismong kanyang taumbayan.
-Ric Valmonte