Patay ang isang misis nang pagsasaksakin ng kanyang live-in partner at hinostage pa ang dalawang anak ng biktima loob ng kanilang tahanan sa San Mateo, Rizal, nitong Lunes.

Ilang saksak sa leeg ang tumapos sa buhay ni Yolanda Manset, nasa hustong gulang, habang nasagip naman ng mga awtoridad ang dalawa niyang anak na nasa edad 13 at 14, pawang residente ng 2 Saint Paul Street, Ismael Subdivision, Barangay Ampid 1, San Mateo.
Arestado naman ang suspek na si Frederick Paule, nasa hustong gulang, at nakatakdang sampahan ng kasong murder at serious illegal detention in relation to RA 7610 (Anti-Child Abuse Law).
Sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station (MPS), naganap ang krimen sa loob ng tahanan ng biktima at suspek bandang 12:00 ng tanghali.
Una rito, nagtalo ang mag-live-in partner dahil sa selos at sa paghihinala ng suspek na may kalaguyo ang biktima.
Sa kainitan ng pagtatalo, kumuha ng patalim ang suspek at pinagsasaksak ang biktima.
Hindi pa nakuntento, hinostage ng suspek ang dalawang anak ng biktima at pinagbantaang papatayin.
Agad na ini-report ng ilang concerned citizen ang insidente sa mga tauhan ng San Mateo MPS, at naaresto ang suspek at nasagip ang mga bata.
-Mary Ann Santiago