APAT na probinsiya at 24 na bayan sa Pilipinas ang ngayon ay nasa state of calamity bunsod ng matinding tagtuyot na nararanasan sa buong kapuluan. Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa mahigit P5 bilyon ang pinsalang dulot ng tag-init at ng El Niño phenomenon.
Kawawang Pilipinas! Laganap pa rin ang illegal drugs na minsan ay sinabi ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na susugpuin sa loob lang ng tatlo hanggang anim na buwan. Kawawang bayan ko na hanggang ngayon ay namimilipit sa taas ng presyo ng mga bilihin dahil sa TRAIN Law 1 at 2, pagsirit ng halaga ng mga produktong petrolyo, pagpatay sa hinihinalang drug pushers at users, at pagpaslang sa mga magsasakang umano’y mga NPA sa Negros Oriental.
Ayon sa NDRRMC, ang mga lugar na apektado ng dry spell o tagtuyot ay 164,672 magsasaka sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western at Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Central Mindanao, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM).
Maaaring dumami o madagdagan pa ang mga lalawigan at bayan na pipinsalain ng init at El Niño sa susunod na mga buwan. Sana ay umulan na at matighaw ang uhaw at pagkatuyo ng mga bukirin, pananim, palayan, at maisan. Maging ang Simbahang Katoliko ay nakikiusap na ngayon sa Kalangitan na biyayaan tayo ng ulan. Nais nilang magsagawa ng Oratio Imperata upang bumagsak ang ulan, mapuno ng tubig ang mga dam at madiligan ang mga halaman at pananim.
oOo
Muling itinanggi ni ex-Davao City Vice Mayor Paolo “Pulong” Duterte, anak ni Mano Digong, na sangkot siya sa illegal drugs. Ang pagtanggi ay ginawa ni Pulong dahil sa anim na minutong video tungkol sa umano’y pagkakadawit niya sa droga na lumabas online.
Isang nakatalukbong na “Bikoy” na self-proclaimed member ng isang drug syndicate sa ilalim umano ng proteksiyon ni Duterte noon, ang naghayag sa video online hinggil sa pagkakasangkot ni Paolo sa ilegal na droga. Sinasabing ang vice mayor ay miyembro ng sindikato.
oOo
Kung may mahigpit na tagapagtanggol ng China, ito ay walang iba kundi ang ating Pangulo. Sa kabila ng mga pagbatikos sa ginagawa ng China sa West Philippine Sea, gaya ng pag-okupa sa Panatag Shoal, pagbabawal sa mga mangingisdang Pinoy, militarisasyon, at iba pa, bilib pa rin si PRRD sa bansa ni Chinese Pres. Xi Jinping. Ayon sa kanya, nakikipagkaibigan lang daw ang China sa ‘Pinas.
Kung totoong nakikipagkaibigan ang China sa ating bansa, eh bakit itinataboy ng Chinese Coast Guard ang ating mga mangingisda sa mga lugar na tradisyunal nilang pinangingisdaan at ng kanilang mga ninuno sa loob ng daan-daang taon?
Bakit kasi laging sinasabi ni PDu30 na ayaw niyang makipaggiyera sa China kung kaya ayaw niyang pagalitin ito. Mr. President, hindi naman natin gustong makipagdigma sa China na isang dambuhala kumpara sa Pilipinas na isang sisiw lang. Ang nais ng mga mamamayan ay iprotesta mo ang ginagawang hindi tama ng China sa WPS para malaman nila na ayaw natin ito, at nang malaman din ng buong daigdig ang ginagawa nito sa ‘Pinas.
-Bert de Guzman