SA panahon ng public ministry o pangangaral kay Kristo, isa sa mga babaeng naging matapat na sumunod sa Kanya ay si Maria Magdalena. Isang babaeng makasalanan na naging banal.
Ayon sa kasaysayan at sa Bibliya, si Maria Magdalena ay kapatid nina Santa Marta at Lazaro. Ang pangalan ni Maria Magdalena ay hango sa salitang “Magdala” na isang lugar sa kanlurang dalampasigan ng Galilea. Si Maria Magdalena ay unang nakatagpo ni Kristo habang nangangaral sa Galilea.
Sa bahagi ng Ebanghelyo ni San Lucas, binanggit na si Kristo at ang Kanyang mga alagad ay sinamahan ng mga babae at isa na rito si Maria Magdalena. Pagkatapos, nagtuloy si Kristo sa isang bayan at dito Siya tinanggap ni Marta at ng kanyang mga kapatid na sina Maria Magdalena at Lazaro.
Naging lalong naging malapit si Maria Magdalena kay Kristo nang buhayin si Lazaro na may tatlong araw nang namamatay. Ang pagbuhay kay Lazaro ay isa sa mga himala ni Kristo sa panahon ng Kanyang pangangaral.
At isang araw bago naganap ang matagumpay na pagpasok ni Kristo sa Jerusalem. na simula ng Kanyang mga hirap at pagdurusa, nakipaghapunan Siya sa pamilya ni Lazaro sa Bethania. Sa hapunang iyon, naganap ang pagpapahid ng pabango ni Maria Magdalena sa ulo at paa ni Kristo at pagkatapos ay kinuskos ng kanyang mahabang buhok. Bunga nito, kumalat sa kabahayan ang halimuyak ng pabango ni Maria Magdalena.
Ang ginawang iyon ni Maria Magdalena ay maaaring walang gaanong kahalagahan sa iba, ngunit sa buhay-Kristiyano, ito’y isang malinaw na pagkilala sa kamalian at ganap na pagsisisi, sapagkat bago nakilala ni Maria Magdalena si Kristo, siya’y namuhay na sa kasalanan.
Gayunman, ang ginawang iyon ni Maria Magdalena ay hayagang kinontra ni Judas Iskariote. Sinabi ni Judas na mabuti pang ipinagbili na lamang ang pabango at ang pinagbilhan nito ay ibigay na lang sa mga dukha.
Hindi bukal sa kalooban ni Judas ang kanyang sinabi sapagkat siya’y isang magnanakaw na hindi marunong magmalasakit sa mahihirap. Dinudukot o kinukupit niya ang salaping inilalagay sa supot. Ang mga salapi na nakalagay sa supot ni Judas ay abuloy o kontribusyon ng mga taong nakarinig ng pangangaral ni Kristo.
Si Judas ang ingat-yaman o tesorero ni Kristo. Katulad ni Judas ang mga makabago nating mga kagalang-galang na mga tulisan at mandarambong sa gobyerno na ang salapi ng bayan ay ninanakaw at ginagamit sa pansariling kapakanan, sa mga pandaraya.
Ang pagpapahid ng pabango ni Maria Magdalena at ang pagkukunwari ni Judas ay dalawang mabigat na pasakit sa buhay ni Kristo. Ngunit ang mga pasakit na iyon ay iisa lang ang ganti -- ang pagpapatawad sa mga nagsisisi at kumikilala sa mga kamalian.
Hanggang sa kamatayan sa Kalbaryo at muling pagkabuhay ni Kristo, si Maria Magdalena ay naroon at naging saksi sa katuparan ng pagtubos sa sala ng sangkatauhan.
At ayon sa Eastern tradition, si Maria Magdalena, matapos ang Pentekostes ay nakasama ng Mahal na Birheng Maria at ni San Juan sa Ephesus hanggang sa doon na siya namatay at inilibing. Ang huling tatlumpung taon ng buhay ni Maria Magdalena ay iniukol niya sa kabanalan. Sa pook ding nabanggit, itinayo ang dambana ni Maria Magdalena noong ikawalong siglo.
Sa Angono, Rizal, ang may-ari ng imahen ni Maria Magdalena ay ang pamilya ni G. Domingo Tolentino. Ang imahen ni Maria Magdalena ay kasama sa prusisyon ng Miyerkules Santo, ng Biyenes Santo at prusisyon ng Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday o Salubong).
At kung Biyernes Santo, ang imahen ni Maria Magdalena, kasama ang imahen ni Sta. Maria Jacobe, Mahal na Birhen ng Dolorosa o Inang Awa, Sta. Maria Salome, at San Juan Ebanghelista ay magkakasamang inilalagay sa paanan ng “Kalbaryo” at nakapako sa krus na imahen ni Kristo sa loob ng simbahan ng parokya ni Saint Clement sa Angono, Rizal, habang ginaganap ang “Seven Last Word” ni Kristo o Huling Pitong Wika. Pagkatapos ay sa prusisyon ng Biyernes Santo kasama ang iba pang mga imahen. Ang prusisyon kung Biyernes Santo ang pinakamahaba at matagal tulad ng prusisyon dahil sa rami ng mga taong sumasama sa prusisyon. Isa na ring panata at penitensiya ng mga deboto ang pagsama sa prusisyon ng Biyernes Santo.
-Clemen Bautista