SA gitna ng naranasang kakulangan sa tubig kamakailan na tumama sa silangang bahagi ng Metro Manila, na sinundan ng banta na makararanas ang bansa ng matinding tag-init dulot ng nararanasang El Nino, tinalakay nitong nakaraang linggo sa pulong ng gabinete sa Malacanang ang ilang mungkahi na layong solusyunan ang mga problema na may kaugnayan sa tubig at panahon.
Isang mungkahi para sa paglikha ng isang Department of Water ang pinag-usapan sa pulong. Unang bahagi pa lamang ng nakaraang buwan, nang imungkahi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia ang nasabing tanggapan, na kasama sa plano ang lahat ng mga solusyon na idinesenyo upang masiguro ang sapat na suplay ng tubig sa bansa.
Tutugunan din ng mungkahing ahensiya ang pangangailangan sa tubig ng sektor ng agrikultura ng Pilipinas na nagdurusa na sa tinatayang higit P5.05 bilyong pinsala dulot ng El Nino. Isinusulong ng plano ang paghuhukay ng mga daanan ng tubig, pagpapalit ng mga tunnel at aqueducts, pagkakabit ng mga water tank system sa mga ospital ng pamahalaan, at pagpopondo para sa pagtatayo ng mga water treatment plants.
Pinag-aralan din sa pulong ng gabinete ang mungkahi para sa isang Task Force to End Hunger. Ipinaalala ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na inaprubahan ng Kamara de Representantes ang kanyang Zero Hunger Bill, HB 7193, noong Agosto 2018, ngunit huli na para sa Senado na ikonsidera ito bago magtapos ang Kongreso. Ikinokonsidera ngayon ng pamahalaan ang paglikha ng isang Task Force to End Hunger.
Isa pang mungkahi sa pulong ng gabinete ang Department of Disaster Resilience, upang tulungan ang bansa na makamit at makaya ang lahat ng masamang epekto ng mga sakuna o kalamidad na tulad ng tumama sa bansa sa mga nakalipas na buwan—ang sunod-sunod na pananalasa ng mga bagyo na nagdala ng pagbaha at nagdulot ng landslides, mga paglindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa, paputok ng bulkan na nagiging dahilan ng sapilitang malawakang paglikas.
Habang tayo ay nasa gitna ng ganitong mga diskusyon hinggil sa mga problema ng bansa at paghahanap ng iba’t ibang rekomendasyon upang masolusyunan ang mga ito, isang magandang ideya para sa administrasyon upang ilaan ang atensiyon nito sa napakaluma nang problema ng kahirapan at trabaho.
May mga programa na tayo tulad ng Conditional Cash Transfer upang tulungan ang mga pinakamahihirap na pamilya sa atin, ngunit ang pinakamainam na paraan upang matugunan ang suliraning ito ay mananatiling ang paglikha ng trabaho para sa mga naghahanap, nang hindi na kinakailangan pang makipagsapalaran sa ibang bansa. Isa itong malaking bahagi ng programa upang tuldukan at solusyunan ang problema sa kahirapan ng ating bansa.