MAITUTURING na isang success story ang real life ni Roberto Reyes better known in showbiz world as Amay Bisaya.
Aminado si Amay na nakilala siya sa showbiz noong kapanahunan ni FPJ (SLN), Rene Imperial, Robert Miller at iba pang action stars na sumikat noon at ‘di niya ikinahihiyang sabihin na naging utility boy siya, as in taga-timpla ng kape, taga-bigay ng tubig at silya, taga-buhat ng ilaw, at iba pa, sa shooting ng mga nabanggit na showbiz personalities hanggang sa maging movie bit player.
Naging extra siya sa mga pelikula at ‘yun nga, nabansagan siyang Amay Bisaya na screen name niya dahil tunog Bisaya ang pananalita niya.
Nang maka-one-on-one interview ni Yours Truly itong si Amay sa kanyang 61st birthday last April 3, ay naniniwala siya sa sinabi naming kasabihang, “kapag may, tiyaga may nilaga”.
Ito ay mula sa mga pinagdaanan at nalagpasan niya sa buhay ay tatakbo na siya bilang gobernador ng Bohol – ang kanyang bayang sinilangan.
“Ang tao kasi, doon pa lang sa simula, kung may future o may kinabukasan, makikita ‘yan sa ugali or sa character nang isang tao. Ibig sabihin, magalang kang makipag-usap, may takot ka sa Diyos at saka kailangan ‘yung pangarap mo suportahan mo ng sipag, tiyaga at pagpapakumbaba,” panimula niyang litanya.
Once na mahalal this coming 2019 election bilang gobernador ng Bohol, ano ang puwede niya ng ipangako sa mga Boholanos?
“Matagal nang hinihintay ng mga Boholanos na magkaroon ng tunay na lider na native from Bohol, like me. Dapat talaga taal na taga-Bohol ang maging lider ng bayan namin dahil ako bilang taal na taga-Bohol, alam ko kung ano ang pangangailangan ng mga kapwa ko kababayan, kaya sisikapin ko, kung sakaling ako ay mahalal bilang gobernador ng Bohol, na mabigyan sila ng magandang buhay as in more jobs, more businesses na hihikayatin kong magtayo du’n ang mga kakilala nating businessman or woman para maraming makapag-hanapbuhay, tulungan ang mga paaralan doon kung ano ang kulang para sa mga mag-aaral tungo sa magandang buhay. ‘Yung pagsumikapan ng mga guro doon kung paano nila maitatawid ang mga pangarap ng mga kabataan or ng kanilang mga estudyante kung ano ang gusto nilang maging goal sa buhay.
“Kasi as I’ve said earlier, ako, nagsumikap talaga na makayanan ang lahat ng hirap na dinanas ko at sa tulong naman ng Panginoong Diyos ako ay unti-unting nagtagumpay sa mga minimithi kong makamtam sa buhay, hindi lang para sa sarili ko kundi para na rin sa pamilya ko, kamag-anak at mga kaibigan. Kailangan maipakita mo na hindi ka laging nasa sulok, nasa ibaba, nasa kanto lang, kailangan maipakita mo na nag-progress ka na para maging maunlad ang buhay mo, magsumikap ka maabot lahat ang mga pangarap mo or kung anuman ang maging goal mo sa buhay. ‘Yun ganu’n,” ang mahabang esplika pa sa amin ni Amay.
Well, may point siya in pernes, ha!
At ayon naman sa tumatayo niyang finance-manager cum adviser na si Mr. Romeo Ebdane na kilala sa tawag na Ka David Samartino, nakilala niya raw sa mga lamayan si Amay as in kung saan daw may lamay sa kanilang lugar ay andu’n si Amay, tumutulong para makikain with matching pabirong loud halakhak.
“Kaya nga sa ngayon ay pinag-iisipan ko na gawan siya ng pelikula na may titulong Amay sa Lamay,” tumatawang sabi pa ni Romeo, na siyang owner ng Gabrielle’s Organic Restaurant and Meat Shot somewhere in Maginhawa Street, Sikatuna Village, kung saan ginanap ang nasabing birthday party ni AB.
Dumating rin sa party ni Amay ang mga dating action stars gaya nina Robert Miller at Rene Imperial. Tumawag naman sa phone si Senator Bong Revilla, Jr. para i-greet si Amay.
-MERCY LEJARDE