SA tindi ng tag-init at sa bagsik ng El Niño phenomenon, may P5.5 bilyon na pala ang pinsala na dulot ng tagtuyot, ayon sa Department of Agriculture (DA). May 13 rehiyon na raw ang namimilipit sa pagkatuyo ng mga bukirin, sa pagkabansot at pagkadarang ng mga palay, mais at iba pang pananim.
Habang isinusulat ko ito, sinabi ng PAGASA na dapat humanda ang mga residente ng Metro Manila sa napakainit na panahon na maaaring umabot sa temperaturang 38 degrees Celsius ngayong Abril. Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na magsagawa ng kaukulang hakbang upang maiwasan ang heat stress o problema sa init. Ugaliin din ang laging pag-inom ng tubig.
Nagbabala ang PAGASA na ang El Niño ay patuloy na magdudulot ng mainit na hangin sa susunod pang mga buwan. Ayon kay Ana Liza Solis, hepe ng PAGASA Climate Impact Monitoring and Prediction Section, inaasahan din ang mainit na panahon sa Tuguegarao City, Cagayan, na aabot sa 39.8 degrees Celsius. Ang pinakamainit na temperatura sa lungsod ay nairekord noong Mayo 11, 1969 na 42.2 degrees Celsius.
Sa Metro Manila, ang pinakamainit ay noong Mayo 14, 1987 na 38.5 degrees Celsius. Pormal na idineklara ng Weather Bureau ang simula ng tag-araw noong Marso 22, 2019. May 51 probinsiya o 61 porsiyento ng bansa ang tatamaan ng drought o tagtuyot sa pagtatapos ng Abril.
Noong kabataan ko, nasaksihan at naranasan ko ang matinding init ng panahon sa aming bayan sa Bulacan. Palibahasa’y isang magsasaka ang aking ama, nagpupunta ako sa aming bukid at nakikita ko ang darang at bitak-bitak na pinitak. Naisip ko na noon pa ay may El Niño na kaya nga lang ay hindi pa ito pinapangalanan ng PAGASA na El Niño. Noon ay maliit pa ang populasyon ng Pilipinas, hindi tulad ngayon na mahigit nang 100 milyon.
oOo
Humingi ng apology o paumanhin si Jim Paredes ng APO Hiking Society kaugnay ng sex video na nag-leak sa social media nitong weekend. Sa blogpost ni Paredes noong Abril 1, kinumpirma niya na authentic o tunay ang nasabing video, na ayon sa kanya ay pribado at hindi para ipakita sa publiko.
Batay sa video na kumalat, makikita si Jim na “nagpapasarap” sa sarili, tulad ng ginagawa ng mga teenager o kabataan. Akalain ninyong kaya pa raw pala ni Jim na mag-masturbate gayong siya ay senior citizen na. Si Pres. Rodrigo Roa Duterte nga ay aminado nang “mahina” ang Manoy kung kaya kailangan ang tulong ng blue tablet upang tumindig ito.
Si Paredes ay matinding kritiko ng Duterte administration at may hinala siyang ang pag-leak ng sex video ay may kaugnayan sa pulitika. Nagtataka siya kung bakit lumabas ito gayong pribado ang kanyang ginawa at hindi naman niya ito ibinahagi sa iba. Nais daw marahil na sirain ang kanyang reputasyon at kredibilidad, pero Mr. Paredes senior citizen ka na at dapat mag-ingat sa isyu ng sex.
oOo
Ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansa na bumubuo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Bukod sa PH, kasapi rin ang Vietnam, Indonesia, Malaysia, Brunei at iba pa. Nagtataka ang mga Pinoy at maging ang mga mamamayan ng daigdig kung bakit tameme ang Pilipinas sa ginagawang dredging, okupasyon at militarisasyon ng China sa West Philippine Sea-South China Sea, subalit kumukontra at lumalaban ang Vietnam, Malaysia, Indonesia sa gawaing ito ng China, na ang pinakaapektadong bansa ay ang Pilipinas. Mr. President, what’s happening to our country?
-Bert de Guzman