MAY malaking pagkakataon sa ugnayang pang-ekonomiya at pangkalakalan sa pagitan ng Manila at Beijing, sinabi ni Commercial Counselor of the Chinese Embassy Jin Yuan sa mahigit 100 mamumuhunang Chinese sa China-Philippines Summit sa Manila Hotel nitong Marso 29.
Ibinahagi niyang China ang nanguna sa listahan ng mga dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas noong 2018, na may kabuuang $962 million ang mga naaprubahang pamumuhunan. Kabilang sa mga bagong pamumuhunan ang $5 billion sa industriya ng telecom sa susunod na limang taon, at $3.5 billion para sa planta ng bakal at asero sa Cagayan de Oro City.
Sinabi ni Secretary of Trade and Industry Ramon Lopez, na nagsalita rin sa nasabing summit, na lumago nang 8.5 porsiyento hanggang $8.7 billion ang iniluluwas na produkto ng Pilipinas sa China, dahilan upang ang bansa ay maging ikaapat na pinakamalaking merkado ng pagluluwas ng produkto. Ayon kay Lopez, hangad niya ang mas maraming pagluluwas hindi lang ng mga produktong agrikultural kundi gayundin para sa mga muwebles, automotive parts, at electronics. Aniya, naghahanda na ang DTI para sa 2nd China International Import Expo sa Nobyembre.
Una rito, nitong Marso 20, nabanggit ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang nasa 500 mamumuhunan at mga opisyal sa industriya ng imprastruktura sa Philippine Economic Briefing sa Beijing. Binanggit din niya ang $170-billion na programang “Build, Build, Build” ng bansa at ang mga benepisyong inaasahang malilikha nito, tulad ng bagong mga trabaho at negosyo, at ang pagbaba ng gastos sa pagluluwas ng mga produkto at mga tao sa mga isla ng bansa. Pinasalamatan ng Pilipinas ang China para sa malaki nitong suporta sa programa, aniya.
May ilang komento kamakailan ang lumilitaw mula sa ilang sektor tungkol sa suportang ito, na nangangamba na baka malubog ang bansa sa isang “debt trap” – kung hindi mabayaran ang mga utang o loan na magreresulta sa pagkamkam ng ating mga likas na yaman at teritoryo. Ilang bansa tulad ng Sri Lanka at Pakistan ang nahaharap ngayon sa ganitong suliranin.
Gayunman, siniguro ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na nagiging “extra careful” ang pamahalaan ng Pilipinas upang masiguro na hindi magiging “debt traps” ang mga utang. Ang mataas na antas ng transparency, aniya, ay nagpapataas na ang mga proyekto ay makayanan na kayang makalikha ng kita na sasapat upang mabayaran ang mga utang.
Samantala, bukod sa maraming pautang, nagkaloob din ang China ng suporta at tulong sa Pilipnas, kabilang ang P1.5-billion donasyon para sa mga engineering equipment ng Armed Forces at ang P140-milyon donasyon para sa broadcasting equipment ng broadcast station ng pamahalaan, ang RP1 at PTV4.
Tunay namang isang magandang panahon ito ng ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa na nawa’y makatulong para sa paglago ng kani-kaniyang ekonomiya at pagsulong sa kasalukuyang panahon ng mabilis na umuunlad na mundo.