ANG ‘tila itinatagong dahilan ng umiiral na kakulangan sa tubig sa malaking bahagi ng Metro Manila ay nag-ugat pa noong nakaraang administrasyon at sa ilalim ng pamumuno ni Architect Gerardo Esquivel bilang administrator ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Medyo naintriga ako sa mga nakalap kong dokumento dahil tuwirang itinuro rito na ang pagpigil ni dating MWSS administrator Esquivel sa mga proyekt ng Manila Water Company Incorporated (MWCI) - na magdaragdag sana ng supply na “raw water” na kakailanganin hanggang sa taong 2019 – ang naging pangunahing dahilan ng naglabasang problema sa supply ng tubig sa Metro Manila.
Ayon sa hawak kong dokumento -- pagpapalitan ng sulat ng mga opisyal ng MWSS at MWCI -- ipinagpilitan umano ni Esquivel noon pang Oktubre 2013 ang kanilang “projected computation” na 1,408 Million Liters Daily (MLD) lang ang kakailanganin na supply ng MWCI. Ngunit kulang ito sa hinihingi naman ng MWCI na 1,750 MLD, na lumabas sa kanilang “projection” na kakailanganin ng kanilang mga connector para sa taong 2019.
Sa nakaraang cabinet meeting sa Malacañang, kung saan tinalakay ang problema na idudulot ng El Niño sa bansa, ay lumutang ang balitang gagawaran ng parusa ang MWCI at ang pasaring na magbubuo ang administrasyon ng dalawang bagong tanggapan, ang Department of Water (DoW) at ang Department of Disaster Resilience (DDR).
Sa unang bahagi pa lamang ng report na aking nabasa ay nabanggit na agad ang napagkasunduan ng MWSS at MWCI – noong Marso 29, 2019 sa kalagitnaan ng biglang “water shortage” -- na ibabalik sa mga nagdurusang connector ang kabayarang katumbas ng perwisyo na inabot o inaabot pa ng mga ito, dulot ng water shortage.
Ang kabayaran para sa mga naperwisyong connector ng MWCI ay ipapasok ngayong buwan ng Abril at ito ay ibabatay sa naging huling billing ng mga ito.
Binanggit din sa unang bahagi ng report na aking nabasa na ninety-nine percent (99%) sa lugar ng MWSS East Zone – na matinding tinamaan sa biglang “water shortage” – na siniserbisyuhan ng MWCI, ay nagkaroon na ng katamtamang lakas na “water pressure” na aabot hanggang “seven pounds per square inch (7PSI)” o natatanging lakas ng pressure ng tubig na makapagpapadaloy mula sa mababang lugar patungo sa bunganga ng mga gripo.
Ang sukat na ito ay sapat na lakas ng tubig upang mula “ground level” ay makayanan nang pumanhik hanggang sa itaas ng lababo. Kasama na rito ang sinasabi sa report na 57% ng mga consumer ay mayroon ng rasyon ng tubig sa loob ng 24 hours. Ang 99% naman ng mga tahanan ay siguradong magkakaroon ng tubig sa loob ng walong oras sa buong maghapon.
Sa isang bahagi rin ng report, ay naka-detalye naman ang naging pagtutulungan sa pagitan ng MWSS, na pinamumunuan nina MWSS Chairman Frank Demonteverde at Administrator Reynaldo V. Velasco, at ng MWCI na kumakatawan bilang “contractor” sa pagpapadaloy ng tubig sa tinatawag na “MWSS East Zone”, upang agad na malutas ang naging problema, at hindi na muling maulit ang biglang pagkawala ng tubig, gaya ng naganap noong Marso 6 hanggang 13 ng taong kasalukuyan.
Kung ano ang dahilan na nagtulak kay Esquivel upang magdesisyon, na lumalabas naman ngayon na pangunahing dahilan pala ng biglang “water shortage” sa Metro Manila -- ay ihahanap natin ng kasagutan sa huling bahagi ng kolum kong ito. Abangan!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.