Naitala sa nakakapaso—at delikadong—42.2 degrees Celsius ang heat index sa Pasay City nitong Linggo, pero dinaig pa rin ito ng 45.5°C na naramdaman sa Batangas.

Sa datos na inilabas ngayong Lunes ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nakumpirmang nakapagtala ng maximum heat index na 42.2°C sa NAIA Station sa Pasay City nitong Linggo.
Ikinokonsidera ng PAGASA ang mga heat index na 41°C-54°C na “dangerous”, at nangangahulugang posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion ang tao, at “heat stroke is probable with continued activity”.
Samantala, ang mga heat index na 32°C-41°C ay nangangailangan ng “extreme caution”, dahil posible ang heat cramps at heat exhaustion, gayundin ang heat stroke.
Kasabay ng pagtatala ng delikadong antas ng init sa Pasay, nakapagtala rin ng matataas na heat index sa iba pang siyudad sa Metro Manila nitong Linggo: 37.7°C sa Quezon City, at 36.8°C sa Maynila.
Gayunman, pinakamataas ang naitalang heat index sa Barangay Ambulong sa Batangas City, na umabot sa 45.5°C nitong Linggo.
Bukod sa Batangas, delikado rin ang heat index na naitala sa San Jose City, Occidental Mindoro, na umabot sa 44.1°C; Cuyo, Palawan, 43.9°C; Catbalogan, Western Samar, 43.2°C; Sangley Point, Cavite, 43°C; Legaspi City, Albay, 42°C; Casiguran, Aurora, 41.8°C; Dagupan City, Pangasinan, 41.5°C; at Roxas City, Capiz, 41.3 °C.
Kaugnay nito, pinayuhan ng PAGASA ang publiko na hanggang maaari ay manatili na lang sa bahay, magsuot ng maninipis at preskong damit, at laging uminom ng tubig.
-Alexandria Dennise San Juan