LUMABAS noong Martes ng gabi sa Facebook account ng Metro Balita na tinagurian ang sarili na “media/news company” ang anim na minutong video na may pamagat na “Ang totoong Narcolist Episode 1”.
Ang lalaking nagsalaysay sa nasabing video ay naglabas ng listahan ng pangalan ng mga umano ay druglords at ang mga halaga na inilalagak nila sa kanilang bank accounts. Ang may code name umano na Polo Delta ay si Paolo Duterte at ang mga bank accounts ay pag-aari ni Agriculture Undersecretary Waldo Carpio, kapatid ni Atty. Manases Carpio na ang asawa ay si Presidential daughter, Davao City Mayor Sara Duterte. Inakusahan ni Pangulong Duterte na si Sen. Antonio Trillanes ang utak sa likod ng video. Aniya, lumang black propaganda ito na kagagawan ng “Yellows” o oposisyon. Pero, sa kanyang Facebook, isinisi ni Paolo ang video sa isang “J.S.” at pinabulaaanan niyang tumatanggap siya ng kickback sa mga drug syndicate.
Ayon kay Paolo, nagalit si J.S kay Carpio dahil hinarang nito ang kanyang shipment ng smuggled na bigas at asukal. “Nagalit ka naman sa akin dahil hindi kita pinansin nang tayo ay nasa eroplano dahil mayabang ka,” sabi pa ni Paolo. Sa video, sinabi ng taong naka-hood na nagpakilala lamang na “Bikoy” na taglay niya ang mga dokumento mula nang magtrabaho siya sa sindikato noong 2010 at nito lamang isang taon niya nilisan ang grupo.
Nauna rito, ang tinanggal na si Police Senior Supt. Eduardo Acierto ay nakipag-usap kay Sen. Ping Lacson sa kanyang opisina at sinabi niyang isinasangkot siya sa pagpupuslit sa bansa ng 11 bilyong halaga ng shabu pagkatapos niyang isiwalat sa Malakanyang na ang dalawang Instsik na laging kasama ng Pangulo ay nasa negosyo ng ilegal na droga. Ayon kay Lacson, binigyan siya ni Acierto ng kopya ng confidential report hinggil sa mga drug dealings ni Michael Yang. Si Yang ay nagpakilalang economic consultant ng Pangulo. Noong una ay ipinagkaila ito ng Pangulo, subalit inamin din niya ito nang magpakita ng ebidensiya ang Rappler.
Kaya, tulad nina dating Chief Justice Sereno, Senador Leila De Lima at Antonio Trillanes at Bishop David, lahat ng kaso ay ipinalasap sa Rappler. Bukod kay Lacson, binigyan din ni Acierto ng kopya ng kanyang confidential report ang kanyang mga senior official sa PNP, sina Philippine Drug Enforcement Agency Chief Aaron Aquino at Executive Secretary Salvador Medialdea. Sa panayam ng mga piling mamamahayag, sinabi ni Acierto na sina Yang at Allan Lim, na dati nang kinasuhan ng pagpapatakbo ng labaratoryo ng shabu sa Cavite, ang nasa likod ng sindikatong gumagawa ng illegal drugs sa mga siyudad ng Davao at Cagayan de Oro.
“Kailangang ipurisige ang imbestigasyon nitong nakakabahalang alegasyon ni Acierto dahil ang isa sa mga sangkot ay umookupa ng napakataas na posisyon sa ating gobyerno,” wika ni Sen. Lacson na ang tinutukoy ay ang Pangulo.
Samantala, sabi naman ni Senate Minority leader Franklin Drilon: “Dapat buksan muli ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon sa drugs smuggling pagkatapos lumabas ang video na nagpapakita na ang anak ng Pangulo at ang kanyang manugang ay tumanggap ng milyun-milyong piso mula sa drug syndicate.” Ito ang tamang paglutas sa lalong lumulubhang problema sa droga na ikinasasawi ng napakarami nang taong nasa laylayan ng lipunan. Sinesentruhan ang pinakaugat ng problema.
-Ric Valmonte