Mga Laro Ngayon
(JCSGO Gym)
2:00 n.h. -- CEU vs CD14 Designs-Trinity University
4:00 n.h. -- McDavid vs Family Mart-Enderun College
IKALIMANG sunod na panalo na magpapatatag ng kanilang pagkakaluklok sa solong liderato ng Foundation Group ang tatangkain ng Centro Escolar University sa pagsalang sa unang laro ngayong hapon ng 2019 PBA D League.
Makakasagupa ng Scorpions ang CD14 Designs-Trinity University of Asia ganap na 2:00 ng hapon na sudundan ng tapatan ng McDavid at Family Mart-Enderun College ganap na 4:00 ng hapon.
Solong nangingibabaw sa Foundation ang Scorpions na hindi pa natatalo matapos ang apat na laban.
Huli nilang tinalo ang Valencia City-San Sebastian College Golden Harvest, tatlong linggo na ang nakakaraan.
Sa nasabing panalo, nagtala ng bagong league record sa rebounding ang Senegalese slotman ng CEU na si Malick Diouf matapos nitong kumaldag ng 30 rebounds bukod pa sa itinala nitong 21 puntos.
Kaya naman,muli silang pinapaboran na manaig kontra Trinity na hindi pa nakakatikim ng panalo matapos ang apat na laro.
Samantala sa tampok na laro, mag-uunahan namang makapagtala ng panalo ang dalawang winless squads sa Aspirants Group McDavid(0-4) at Family Mart-Enderun College (0-4).
-Marivic Awitan