MULING ipinamulat sa kabataan at sa mga dumadayong turista ang kahalagahan ng kultura at tradisyon sa muling pagsasalu-salo ng sampung bayan para sa selebrasyon ng ika-52 foundation anniversary ng Mountain Province, kasabay ang cultural presentation sa ika-15 taon ng Lang-ay Festival, na may temang “Nurturing Culture and Traditions through Indigenous Peoples Education”.
Ipinakita ng mga elders, kababaihan at kabataan na lumahok sa parada ang kanilang native costume at bitbit ang kani-kaniyang produkto ay nagpamalas sila ng kani-kanilang unique performance sa street dancing at float parade sa kabiserang Bontoc, nitong Sabado.
Ayon kay Governor Bonifacio Lacwasan, Jr., napakahalaga ng kultura ng Mountain Province, kaya patuloy na isinasalin ito sa kabataan para pahalagahan ang minana pa mula sa kanilang mga ninuno.
Ang Lang-ay ay katutubong diyalekto na ang ibig sabihin ay salu-salo, pagsasama-sama ng pamilya, hospitality, kapayapaan, at pagkakaibigan sa pamamagitan ng native wine na kung tawagin ay tapuey.
Ang Lang-ay, na nagsimula noong 2004, ay konsepto ng yumaong gobernador at naging kongresista na si Maximo Dalog, sa layuning higit pang pasiglahin ang pagkakaisa ng mga taga- Montanosa.
-Sinulat at larawang kuha ni RIZALDY COMANDA