Pinagbabaril ang sasakyan ng isang konsehal sa San Luis, Agusan del Sur, na ikinasawi ng dalawang tao, kabilang ang misis ng opisyal.

Sinisisi ang mga rebelde sa insidente dahil si San Luis Councilor Franklin Mandumotan ay kilalang kritiko ng New People’s Army (NPA).
Sinabi ni Brig. Gen. Gilbert Cruz, director ng CARAGA Police, na isa si Mandumotan sa mga may akda ng resolusyong nagdedeklara sa NPA bilang persona non grata sa Barangay San Pedro sa San Luis.
“The NPA carried out the attack on him because we have a move here in the region (CARAGA) to declare the NPA as persona non grata,” sinabi ni Cruz sa BALITA. “He (Mandumotan) is one of the ardent supporters of that move.”
Kinilala naman ni Cruz ang mga nasawi na sina Maricel Quezon at Susan Mandumotan, maybahay ng konsehal. Kaagad na nasawi si Quezon, habang sa ospital naman binawian ng buhay si Susan.
Lulan din sa sasakyan nang mangyari ang ambush ang anak ng mag-asawa na si Charles Mandumotan at si Norie Coguit. Nasugatan ang dalawa at dinala sa ospital.
Nangyari ang sasakyan bandang 8:30 ng umaga sa Bgy. San Pedro.
Inalis na ng mga pulis ang anggulong pulitika sa insidente dahil hindi kandidato si Mandumotan sa halalan sa susunod na buwan.
-Aaron Recuenco