SA Beautederm contract signing ni Sylvia Sanchez kamakailan ay maraming beses nag-attempt ang entertainment press na tanungin siya tungkol sa balitang nanliligaw si JM de Guzman sa anak niyang si Ria Atayde. Pero magalang silang tinanggihan ng aktres, dahil hindi naman part ng event ang dalawa.
Kasosyo si Ria sa Skin & Beyond by Beautederm sa Lifescale Building J.C. Aquino Avenue, Butuan City, na mag-iisang taon na sa Hunyo 10. Sobrang lakas daw ng nasabing branch kaya plano ng mag-inang Sylvia at Ria na magbukas din ng branch dito sa Metro Manila.
Wala kaming balita kung kukunin na ring endorser ni Ms Rhea Tan si Ria.
Anyway, sa mga hindi nakakaalam, negosyante si Ria. May ilang negosyo na siya na kasosyo niya ang mga pinsan at ilang kaibigan niya, kaya kapag wala siyang ganap sa showbiz ay nakatutok siya sa kanyang mga negosyo.
Pero ngayong abala si Ria sa taping ng Halik, ipinagkatiwala muna niya sa kanyang mga pinsan ang negosyo nila.
Napanood din si Ria kahapon sa “Gayuma” episode ng Ipaglaban Mo, kasama sina Karl Gabriel, John Arcilla, at Vin Abrenica, at idinirehe ni John Lapuz.
Tungkol naman sa isyu nina Ria at JM, nananatiling maganda ang mga ngiti ng dalaga, na para sa amin ay positibong senyales, dahil nangangahulugan ito na may pag-asa sa kanya si JM.