Iniutos ni National Capital Region Police Office director Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang pagpapaigting ng kampanya laban sa mga nagbebenta ng droga sa mga driver ng bus at taxi sa Metro Manila, partikular sa mga mamamasada sa Semana Santa.

Paliwanag ni Eleazar, posibleng gagamit ng shabu ang mga nasabing driver upang manatiling gising at alerto kaugnay na rin ng inaasahang dagsa ng mga pasaherong mag-uuwian sa probinsiya.
Ayon kay Eleazar, layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at motorista, dahil maaaring makaasidente ang mga driver na bangag sa droga kapag namamasada.
“We expect thousands of passengers to go in and out of Metro Manila for this entire week. We want drivers of public transport and other motorists to be drug-free to prevent any untoward incident,” sabi ni Eleazar.
Aniya, tututukan ng NCRPO ang mga driver ng mga provincial bus at taxi, na malaki umano ang posibilidad na gumamit ng droga upang makarami ng biyahe.
Madalas aniyang dumami ang aksidente tuwing Semana Santa, kung kailan dagsa ang mga umuuwi sa mga probinsiya upang bisitahin ang kanilang pamilya at magbakasyon.
Nakipagpulong na rin ang NCRPO sa Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board para magsagawa ng surprise at random drug-testing sa mga transport terminals, ayon kay Eleazar.
-Aaron B. Recuenco