Dead on the spot ang isang German national at kanyang live-in partner nang Pagbabarilin ng riding in tandem habang sila ay pauwi sa Antipolo City, nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ni Rizal Police Provincial Office (RPPO) Director Col. Lou Evangelista, ang mga biktima na sina Conrad Heinrich, at Remedios Kauth, kapwa nasa hustong gulang, at parehong taga- Golden Hills Subd., Barangay San Roque ng nasabing lungsod.
Nakatakas naman ang mga hindi nakikilalang salarin, lulan ng isang motorsiklo na hindi naplakahan.
Sa ulat ng Antipolo City Police, ang pananambang ay naganap sa Golden Hills sa Barangay Roque, hindi kalayuan sa bahay ng mga biktima, dakong 2:P40 ng hapon.
Ayon sa pulisya, sakay ng kanilang Isuzu Trooper (XLN-109) ang dalawa habang sila ay pauwi nang bigla na lamang parahin ng mga suspek, na magkaangkas sa isang motorsiklo.
Kaagad rin umanong pinaulanan ng bala ng mga salarin ang mga biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan, na nagresulta sa kanilang agarang kamatayan.
May teorya ang pulisya na alitan sa lupa ang posibleng motibo sa krimen ngunit masusi pa nila itong iniimbestigahan.
-Mary Ann Santiago