“ANG aking ina ay ang natirang buhay noong panahon ng Hapon at biyudang nagpalaki ng 13 anak na mga naging propesyunal at produktibong mamamayan ng bansa. Siya ang babaeng tinawag ng Pangulong puta sa kanyang talumpati kahapon. Tinawag niya akong anak ng puta dahil sa umano ay inatake ko siya gamit ang pulipito ng Simbahan, na kailanman ay hindi ko ginawa. Ang pulpito ay kailanman hindi para sa ganitong layunin. Maliban na lang kung iniisip ng Pangulo na ang panawagang wakasan ang karahasan at extra-judicial killings sa aking diocese ay nangangahulugan na pagbatikos sa kanya,” wika ni Bishop Pablo David, sa kanyang Facebook post.
Napilitan itong ipahayag ng bishop dahil sa campaign rally ng PDP-LABAN sa Malabon City nitong nakaraang Martes, ipinanawagan ng Pangulo sa bishop na lumabas sa kanyang pulpito at harapin siya hindi bilang taong simbahan kundi mamamayang Pilipino.
“Laging nagrereklamo itong si David sa pag-atake ko sa Simbahang Katoliko, pero sila ang nag-umpisa. Isang pari sa panahon ng misa ay nagsabi, ‘Sana mamatay na si Duterte.’ Anong klaseng relihiyon ‘to? Nagnanais ng kamatayan o karamdaman samantalang ikaw ay pari?” wika ng Pangulo.
Bahagi ito ng kanyang talumpati habang nagsasalita siya sa podium sa harap ng bulletproof glass panel na nasa pagitan niya at ng kanyang mga tagapakinig. “May gustong pumatay sa akin,” sabi niya habang iniinspeksiyon niya ang kapal ng bulletproof glass. Baka nga naman ito manipis, eh tumagos dito ang bala. Tinawag pa niya itong picture frame. “Samantalang nais ng Pangulo na malapit siya sa kanyang pakikipag-usap sa taumbayan, kinakailangang balansehin ito sa kanyang seguridad,” wika ni Presidential Security Group Chief Brig. Gen. Jose Eriel Niembre.
Sumagi na naman sa aking isipan ang hamon ni Bishop Teodoro Bacani nang sagutin niya ang Pangulo sa panawagan niya sa mga tambay na kapag may nagdaan ng bishop sa harap nila, holdapin ito dahil marami itong pera. Nauna rito ay pinag-iingat ng Pangulo si Bishop David kapag nalaman niya na sangkot ito sa droga. “Matapang ka lang dahil may mga bodyguard ka, subukan mong maglakad mag-isa sa kalye,” sabi ni Bishop Bacani. Ang problema, isang batalyon na nga ng militar at napakaraming pulis ang nangangalaga sa kaligtasan ng Pangulo nang humarap siya sa taumbayan para ikampanya ang kanyang mga kandidato para sa darating na halalan sa Malabon, nakatago na siya sa bulletproof glass panel bukod sa suot niyang bulletproof vest.
Kung inyong natatandaan, sa panahong takot ang sambayanang Pilipino dahil walang patumangga ang pagpatay sa pagpapairal ng war on drugs, ang mga gumitna para sa nahihintakutang mamamayan ay sina Sen. Leila de Lima, dating Chief Justice Lourdes Sereno, Sen. Trillanes at Bishop David. Hindi gaya ng mga taong-gobyerno na nanawagan sa Pangulo ng igalang ang rule of law at karapatang pantao, nakiramay si David kay Luzviminda Siapno na ang anak ay napatay ng pulis. Hindi na kailangang maging bishop para gawin ang ginawa ni David. Galing sa ibayong dagat kung saan siya ay nagtatrabaho para may maisustento sa kanyang napatay na anak, nawalan na ito ng malay nang bumaba sa eroplano at makita ang kanyang lalaking kapatid. Luhaan at parang baliw na tinungo ang bangkay ng kanyang anak. Isa lang ang batang Siapno sa napakaraming napatay sa ilalim ng war on drugs ng Pangulo. Sila iyong mga biktima na pinagbantaan ng Pangulo na kanyang papatayin dahil sinisira nila ang “my country and people.” Takot na ang Pangulo sa sarili niyang anino.
-Ric Valmonte