Inutusan ng Department of Labor and Employment ang Philippine Overseas Employment Administration na imbestigahan ang pagkakasangkot ng recruitment agencies sa umano’y pang-aabuso sa mga overseas Filipino workers sa Jeddah, Saudi Arabia.

Labor Secretary Silvestre Bello III

Labor Secretary Silvestre Bello III

Inatasan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang POEA na imbestigahan ang report na isinumite ni Philippine Overseas Labor Office (POLO) Jeddah Labor Attache Nasser Munder.

Sa ulat kay Bello, sinabi ni Munder na apat na household service workers ang sapilitang pinagtrabaho ng mahigit 10 oras sa iba’t ibang bahay at karagdagang dalawang oras sa bahay ng kani-kanilang employer.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kinilala ng labor secretary ang mga ito na sina Samra Musa Lidasan, Lyn Silongan Sali, Norhen Gayo Sarat, at Noraima Mamadra Bandara.

Sa ulat, tinakbuhan ng apat ang kani-kanilang amo at nagpasaklolo sa Migrant Workers and Other Overseas Filipinos Resource Center (MWOFRC) sa Jeddah noong Marso 1, 2019.

Ayon sa labor secretary, sila ay may Iqama, ngunit sila ay pinagtrabaho bilang tagalinis.

Sa kabilang dako, iniulat din ni Munder ang umano’y rape case na kinasangkutan ng 22-anyos na OFW, na kinilala lamang na "Saida", ng kanyang agency representative noong Disyembre 28, 2018.

Tumutuloy ang biktima sa Bahay Kalinga habang inaasikaso ng Assistance to Nationals Section of PCG Jeddah ang kaso.

Ang mga naturang kaso ay kinasasangkutan ng kanilang agency na Saudi Recruitment Agency (SRA) Madar Al Kharj Recruitment Agency, at Philippine Recruitment Agency (PRA) Iemploy Manpower Services Inc.

Inirekomenda ni Munder ang suspensiyon at kanselasyon ng lisensiya ng mga naturang recruitment agencies.

Ipinangako ni Bello na paparusahan ang mga employers at recruitment agencies na nanloko ng overseas Filipino jobseekers.

Erma R. Edera