NASA isang event kami nang iulat ni MJ Felipe sa TV Patrol ang panayam niya kay Liza Soberano, na kumpirmadong umatras na sa pelikulang Darna. Halos lahat ng kasama naming nanonood ay itinigil ang ginagawa at kuwentuhan dahil tinutukan nang husto ang balita.

Liza Soberano copy

Batay sa report, may finger bone injury si Liza na nakuha niya sa paggawa sa teleseryeng Bagani last year. Inoperahan na ang nasabing daliri ng aktres, pero dahil sa injury na iyon ay hindi niya magagawa ang mahahalagang stunts sa Darna.

Iisa ang komento ng lahat: “Sayang. Wala nang ibang puwedeng gumanap sa Darna, either Liza o Angel Locsin lang.”

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

Matatandaang nawala kay Angel ang nasabing iconic role— na naging top-rating nang gawin pagbidahan niya ang teleserye years ago—dahil naman sa problema niya sa spine.

Maging ang manager ni Liza na si Ogie Diaz ay kaliwa’t kanan din ang natanggap na mensahe makaraang mapanood ang panayam kay Liza.

Ikinuwento ni Ogie na nalulungkot siyang hindi na si Liza ang gaganap bilang Darna sa pelikula—na hinangad ng maraming aktres.

“Ako bilang co-manager kay Liza, nalulungkot ako. Kasi, bongga sana ‘yung Darna,” saad sa post ni Ogie.

“Ilan na ‘yung artistang nag-audition para diyan, pero si Liza ang nakakuha ng role. Nu’ng una’y hindi pa nagsi-sink in sa kanya na siya na ang modern-day Darna, hanggang sa yakapin na niya ang naturang superhero character.

“Pinaghandaan ‘yan ni Liza. Pati mga gym workouts niya, ‘yung fight scenes training niya, ‘yung routines niya, lahat ‘yon, naka-sched araw-araw.

“Pero dahil sa nangyaring aksidente sa Bagani last year, kung saan napuruhan ang isa niyang daliri, ‘yung totoo, ‘yung Darna agad ang naisip namin ni Liza.”

Sinabi ni Ogie na hindi nagpabaya ang ABS-CBN sa pagpapagamot sa daliri ni Liza. Pero nang hindi pa rin totally bumabalik sa normal ang daliri ng aktres ay nagpasya na ang huli na kausapin si Ogie para umurong na sa nasabing pelikula.

Kuwento ni Ogie, umiiyak na nagsabi sa kanya si Liza ng plano nitong bitiwan na ang project dahil “matatagalan pa nga ang complete healing ng kanyang daliri”. Nahihiya raw si Liza kay Ogie, sa Star Magic, at sa ABS-CBN sakaling umurong siya sa Darna.

“[Sinabi ni Ogie kay Liza] Pero sa totoo lang, if you don’t feel like doing Darna anymore, it’s okay with me. Kahit gusto pa ng lahat ng tao sa paligid mo na maging Darna ka, kung feeling mo, may kulang, kung half-hearted ka because of what happened, baka mas maganda ngang huwag mo nang ituloy. Ako ang mag-e-explain muna sa kanila, then let’s set a meeting with the bosses.

Sa nasabing post, ipinaliwanag daw ni Ogie kay Liza na “everything happens for a reason”, at inihalimbawa pa nga niya ang sarili na kung hindi siya nawalan ng projects sa ABS-CBN noon at napilitang mag-comedy bar ay hindi niya marahil nakilala ang kanyang naging misis.

Sa huli, sinabi ni Ogie na marami pang darating na opportunities kay Liza dahil “talented ka, mahusay kang umarte, mabait ka at mabuti kang tao”.

Tama si Ogie, talented si Liza at naniniwala kaming hindi siya mawawalan ng project sa ABS-CBN at Star Cinema.

-Reggee Bonoan