DAHIL sa pag-atras ni Liza Soberano sa pelikulang Darna, nabuhayan ng loob ang fans na nangangarap na gumanap sa iconic role ang mga idolo nila, tulad nina Kathryn Bernardo, Jessy Mendiola, Erich Gonzales, Janella Salvador, Kim Chiu, Maja Salvador, at Pia Wurtzbach.

Tanda namin noong wala pang napipiling gumanap sa nasabing karakter, mula sa panulat ni Mars Ravelo, ay natanong ang mga nabanggit kung type nilang maging Darna. Iisa ang sagot nila, kung io-offer sa kanila ay gustung-gusto nila, at sa katunayan, ‘yung iba ay pinaghandaan ito.
Kaya naman ang mga supporter nila noon, kani-kaniyang ingay ngayon na sana ay mapiling kapalit ni Liza ang mga idolo nila.
May narinig kaming isa sa pinagpipilian si Pia, dahil bagay sa kanya ang role; Darna naman talaga siya sa tindig, sense of humor, at morena rin.
Kung sakaling si Pia ang final answer ay game na game ang 2015 Miss Universe, at willing siyang mag-training. Talaga raw bibigyan niya ng oras ang training kasehodang busy siya. Pero nilinaw ng kampo ni Pia na wala pang offer sa kanya para gampanan ang role.
Samantala, nabanggit din ang pangalan ng isang aktres, na bagay ding maging Darna, dahil maliksing kumilos at maganda. Ang problema, wala siyang box office appeal, dahil lahat ng pelikula niya ay hindi maganda ang resulta sa takilya.
Abangan na lang ang announcement ng Star Cinema kung sino ang masuwerteng gaganap na Darna.
May humirit: “Baka naman kasi kailangang ibalik kay Angel Locsin ang role?”
Oo nga, ‘no?!
Pia
-REGGEE BONOAN