TATLONG taon matapos na magsimula ang kampanya laban sa ilegal na droga na tinawag na “Tokhang,” nagpatuloy ang mga katanungan hinggil sa ilang kaso ng mga napatay sa naturang kampanya. Nitong Martes, ipinag-utos ng Korte Suprema sa gobyerno na isumite ang lahat ng mga dokumento kaugnay ng kampanya, partikular na ang bilang ng mga napatay sa police operations simula Hulyo 1, 2016.
Ayon sa korte, ang mga kopya ng mga dokumentong isusumite ng Office of the Solicitor General ay may Free Legal Assistance Group (FLAG) at Center for International Law (Centerlaw), na magrerepresenta sa umano’y mga biktima ng extra-judicial killings na nangyari sa anti-drug operations ng Philippine National Police (PNP).
Unang beses na ipinag-utos ng Korte Suprema sa gobyerno na isumite ang opisyal na mga police reports sa anti-drug killings ay noong Disyembre 5, 2017. Hiniling ng korte sa PNP na isumite ang mga report kaugnay ng pagkamatay ng 4,000 drug suspects. Ngunit sinabi noon ni Solicitor General Jose Calida na hindi niya masusunod ang utos dahil “the documents required involve information and other sensitive matters that in the long run will have an undeniable effect on national security….”
Muli ngayong ipinag-utos ng Korte Suprema sa gobyerno na ilabas ang mga dokumento sa police operations.
Nitong Hunyo 19, 2018, ipinahayag ni Presidential Communication Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na kabuuang 4,279 na drug suspects ang napatay sa kampany kontra ilegal na droga ng pamahalaan. “These are the real numbers,” sinabi niya, at pinabulaanan ang bilang ng iba’t ibang human rights group at media organizations na umabot sa 12,000.
Nang sumunod na linggo, inilabas ng PNP ang ulat na bukod sa 4,279 na napatay sa kampanya, may 22,983 “Deaths Under Inquiry” sa unang 665 araw ng administrasyong Duterte. May mga namatay sa iba’t ibang kaso – pagnanakaw, rambol, pananambang, at iba pa.
Ang paglaganap ng ilegal na droga ay problema ng buong mundo, at shabu o methamphetamine ang karaniwang ginagamit ng mga adik na Pinoy. Sa kasagsagan ng problema sa droga ng Pilipinas, shabu ang ginagawa ginagawa sa mga kubling laboratoryo sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nang ikandado ang mga laboratoryo sa mga police operations, ipinasok sa bansa ang bilyun-bilyong halaga ng shabu.
Kamakailan lamang, ilang bloke ng cocaine, gawa sa coca plant prevalent sa Colombia sa South Amrica, ang namataang palutang-lutang sa dalampasigan sa Pilipinas, na ipinangambang pinalalawig ng ibang drug lords sa mundo ang kanilang operasyon. Bukod dito ang mga tanim na marijuana sa bulubunduking bahagi ng Northern Luzon, opium mula sa South Asia, at droga gaya ng Ecstasy mula Europe na patok sa mga may kaya sa buhay.
Tama lamang ang pagkakataon ng kampanya kontra droga ni Pangulong Duterte upang matuldukan ang problema ng bansa. Maaaring umabuso ang ilang pulis sa unang bahagi ng kampanya, ngunit nirerespeto na nito ngayon ang batas. Kaya umaasa tayo sa opisyal na report na hinihingi ng Korte Suprema sa PNP.