ISANG makatang taga-Inglatera ang nagsabi sa isang saknong ng kanyang tula na ang buhay ay sintamis ng pabango at dalisay katulad ng dasal. At sa masasayang buhay ng mga mapalad na henyo at dakila, nalasap nila ang ganda ng buhay at ang luwalhati ng kanilang tagumpay. Dahil dito, sila’y dinakila, kinilala at tiningala ng kanilang mga kontemporaryo o kapanahon.
Ang nabanggit na halimbawa ay hindi laging nangyayari sapagkat maraming naging dakila at henyo, lalo na sa larangan ng Panitikan, ang hindi naging maligaya sa kanilang buhay. Sa mga henyong ito ay mababanggit at mabibilang si Francisco Balagtas – ang kinikilalang Prinsipe ng mga makatang Tagalog; ang unang tunay na makata at propagandistang Pilipino.
Masasabing si Balagtas ay dakilang makatang nabigo sa buhay at pag-ibig sapagkat nakalasap at dumanas ng mga trahedya ng kabiguan at dalamhati sa pagmamahal. Ngunit ang mga pagkabigong iyon ni Balagtas ang naghatid sa kanya bilang nagliliwanag na tala sa Panitikang Pilipino.
Dakilang makata na imortal ang pangalan sa kanyang mga isinulat, lalo na ang klasikong “Florante at Laura”, na pinag-aaralaan sa lahat ng mga paaralan sa buong Pilipinas.
Ang Florante at Laura ni Balagtas ay isa sa mga aklat na dinala ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal sa kanyang paglalakbay sa Europa. Walang-sawang binasa at dito inihalaw ang banghay (plot) ng kanyang nobelang “Noli Me Tangere”. Taglay ng Florante at Laura ang mga napapanahong mensahe mula sa pagpapalaki ng anak hanggang sa paglilingkod sa bayan.
Ayon sa kasaysayan, si Balagtas, tinawag na “Kikong Balagtas”, ay isinilang sa Panginay, Bigaa (Balagtas na ngayon), Bulacan. Isang panday ang kanyang ama na dinarayo ng kanyang mga kabarangay. Nag-uusap at nagtatalakayan tungkol sa buhay sa barangay at buhay ng lahing Pilipino.
Sa pag-uusap na iyon, naririnig ni Balagtas ang mga kaisipan na kinapulutan niya ng pag-unawa sa katauhan ng tao at mga problema sa buhay, pamahalaan at pananampalataya. Kasama na ang pang-aabuso ng mga prayle at ang matinding katiwalian sa gobyerno.
Sa maagang kabataan ni Balagtas, siya ay mapagmahal sa kalikasan. Naibigan niyang masdan ang makulay na bukang-liwayway sa itaas ng burol, ang ginintuang kulay ng paglubog ng araw sa panahon ng tag-araw at ang bumubukadkad na mga bulaklak na isinasayaw ng mahinang simoy ng Amihan. Hinahangaan din ni Balagtas ang matatamis na awit ng mga ibon at ang malumanay na nguyngoy at agos ng tubig sa batis.
Nag-aral si Balagtas sa isang parochial school sa kanilang bayan. Sa pagtuturo ng isang maestrillo ng kura sa ilalim ng kumbento, natutuhan ni Balagtas ang “Caton” at “Cartilla” (mga unang hakbang sa pagbasa at pagsulat), “Catessismo” o mga dasal, at ang “Doctrina Cristiana” (Christian Doctrine). Nang mamasukan siya sa Tondo, Maynila, pinag-aral siya ng kanyang panginoon sa Colegio de San Jose. Noong 1812, natapos niya ang iba’t ibang asignatura katulad ng Humanitiesm Theology at Philosophy na dito’y naging propesor niya ang bantog na Latin scholar at sumulat ng “Pasiong Mahal” na si Padre Mariano Pilapil.
Nagsimula ang pagdanas ng kabiguan ni Balagtas nang manirahan siya sa Pandacan, Maynila. Nakilala at naging kasintahan niya rito si Maria Asuncion Rivera, ang tinutukoy na “Selya” na pinaghandugan niya ng Florante at Laura. Nakaribal niya sa pag-ibig kay Selya si Mariano Capule na isang mayaman at maimpluwensiya. Nagawa nitong maipakulong si Balagtas sa pamamagitan ng gawa-gawaang kaso. Tumindi ang kabiguan ni Balagtas sa pag-ibig nang si Selya ay pumayag na makasal kay Capule.
Nang makalaya si Balagtas at lumipat sa Orion, Bataan noong 1840, nakilala niya si Juana Tiambeng, isang anak-mayaman. Bagamat 52 taon na noon si Balagtas at 31-anyos lamang si Tiambeng, hindi naging sagabal ang edad. Nagpakasal sila. At palibhasa’y matamis ang pag-ibig ni Balagtas, labing-isa ang kanilang naging anak. Limang lalaki at anim na babae.
Sa Orion, Bataan na rin naganap ang ikalawang kabiguan ni Balagtas. Sa paratang na pinutol niya ang buhok ng katulong ng isang mayaman, nakulong si Balagtas nang apat na taon. Ang pagkakakulong niya ang naging simula ng kanilang paghihirap. Napilitang ibenta o ipagbili ng kanyang asawa ang mga lupa at alahas upang mabayaran ang mga abugado at bayad sa hukuman.
Nang muling makalaya, ginugol ni Balagtas ang panahon sa pagsusulat. At noong Pebrero 20, 1862, sa edad na 74, namatay si Balagtas. Bago siya namatay, mahigpit niyang ipinagbilin sa kanyang asawa na sinuman sa dalawa niyang anak na lalaki na mahilig sa pagtula ay huwag payagan na tumulad sa kanya sapagkat batid ni Balagtas na hindi sila mabubuhay sa pagiging makata.
-Clemen Bautista