Nasagip ng militar ang isang Indonesian na bihag ng Abu Sayyaf, habang pito na ang nalagas sa mga bandido sa pagpapatuloy na rescue operations sa Sulu.

Paliwanag ni Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Western Mindanao Command (WestMinCom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP), bagamat nailigtas ang isang bihag, isa pang Indonesian captive ang nasawi sa rescue operation sa Simusa Island sa Banguingui, Sulu, dakong 6:00 ng gabi nitong Biyernes.

“The rescued kidnap victim was identified as Heri Ardiansyah while the dead kidnap victim was identified as Hariadin, both Indonesians. Accordingly, Hariadin died due to drowning,” paliwanag ni Besana.

Sinabi ni Besana na tatlo ang miyembro ng Abu Sayyaf na nasawi sa unang sagupaan na tumagal nang 10 minuto.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Aniya, sumiklab ang engkuwentro nang makita ng mga sundalo ang tatlong bandido na lumalangoy sa lugar patawid sa Bangalao Island upang takasan ang mga humahabol na tropa ng gobyerno.

Kasama, aniya, ng tatlong bandido sa paglangoy ang dalawang bihag na Indonesian nang sumiklab ang bakbakan.

Nasamsam sa lugar ang dalawang M14 armalite rifle, dalawang M16 rifle, isang M203 grenade launcher, at mga bala.

“Pursuit operations are on-going to neutralize the remaining ASG members still trapped in Simusa Island,” pahayag ni Besana.

Halos anim na oras bago ang nasabing sagupaan, apat na bandido na ang napatay ng militar na sumalakay sa kuta ng Abu Sayyaf sa Sitio Atol, Barangay Latih sa Patikul, Sulu.

Kinumpirma ni Besana sa nasabing raid ay nasawi rin ang tatlong sundalo, habang 13 pang kasamahan ng mga ito ang nasugatan, bukod pa sa siyam na bandidong sugatan din.

“The camp has 37 fighting positions believed to have been occupied by 80 Abu Sayyaf militants under Hatib Hajan Sawadjaan,” sabi ni Besana.

Kabilang sa mga patuloy na tumutugis sa mga bandido ang mga tauhan ng 21st at 41st Infantry Battalion, ayon kay Besana.

Aaron B. Recuenco