NAIULAT na nang magsalita si Pangulong Duterte sa kampanya ng PDP-LABAN sa Malabon City nitong Martes ng gabi, siya ay nakasuot ng bullet vest. Bukod dito, nagsalita siya sa loob ng salaaming kahon na hindi tinatablan ng bala. “Hindi ako sanay sa ganito. Dati ako ay nagsasalita ng wala ang mga ito. Kaya lang, kailangan sundin ko ang payo ng nangangalaga ng aking kaligtasan,” wika ng Pangulo.
Dati, aniya, lumalapit pa siya at nakikisalamuha sa mga tao. Totoo ang sinabi ng Pangulo. Isa nga sa mga okasyon na tulad nito ay nang matapos siyang magsalita sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), ay may mga nag-rally malapit sa Batasang Pambansa para ipaabot sa kanya ang kanilang hinaing. Ang reklamo ng mga nag-rally, lalo na iyong grupo ng mga manggagawa, ay ang hindi pa natutupad na pangako ng Pangulo na wakasan na ang kontraktuwalisasyon. Nagtungo ang Pangulo sa mga nagra-rally at ginamit niya ang kanilang itinayong entablado at dito siya nakipag-usap sa kanila. Bagamat may mga security guard na nakapaligid sa kanya, wala naman siyang bullet vest at halos nakadikit na siya sa mga taong malaya niyang kinakausap.
Wala namang problema kung sa ganitong paraan mapangangalagaan ang seguridad ng Pangulo. Bilang pinuno at ama ng bansa, kailangang ligtas siya sa anumang okasyon at sa lahat ng kapahamakan. Ganito rin binigyan ng proteksyon ng ating gobyerno ang Papa nang siya ay dumalaw sa ating bansa pagkatapos manalasa ng bagyong Yolanda sa Kabisayaan. Umikot siya sa gitna ng napakaraming taong nais siyang makita at makasalamuha lulan ng pinasadyang sasakyan na may bullet-proof glass. Subalit sa mga okasyong nagsalita siya, hindi tulad ng Pangulo, walang bullet-proof glass na nakapagitan sa kanya at sa taumbayan. Kung nakasuot siya ng bullet proof vest, ang mga nangangalaga sa kanyang kaligtasan lang ang nakaaalam.
Matapang ang Pangulo. Kung maaari ay ayaw niyang mangyari iyong nakikipag-usap siya sa kanyang mamamayan (my people) na nakahiwalay sa kanila. Lalo na noong Martes na ang layunin ng okasyon ay ihingi ng tulong sa mga mamamayan ang mga kandidatong nais niyang magwagi sa halalan. Pero, wala siyang magawa kundi sundin ang payo ng mga nangangalaga sa kanyang kaligtasan. Mayroong hindi alam ang Pangulo na alam ng mga ito. Ayaw nilang magtiwala ang Pangulo. Kasi, alam ng awtoridad na sa Malabon, Navotas at Caloocan lumasap ng matinding kaapihan ang mamamayan nang pairalin ang war on drugs ng Pangulo. Dito maraming namatay at dito rin maraming lumuha. Kasi, pati mga inosenteng sibilyan ay hindi nakaligtas sa pagragasa ng kampanya laban sa droga. Taga rito ang napatay na mga batang sina Kian delos Santos at Siapno na ang kanilang ina ay nasa ibang bansa para itaguyod ang kanilang kapakanan. Sa luha lamang ng mga inang ito ay bumaha na ang lugar.
Pero pwede pa rin siguro nilang matiis ang hapdi ng sugat na dulot ng nangyari sa kanilang mga anak kung hindi lumabas ang mga pangyayari kalaunan na biktima lang sina Delos Santos, Siapno at marami pang iba, ng hindi patas na pagpapairal ng war on drugs. Ang mga gumagawa at nagpapasok ng droga sa bansa na naging sanhi ng kanilang kamatayan ay hindi sakop ng war on drugs. Ang kalupitan, kaapihan at katarungan ang naghihiwalay sa Pangulo at sa kanyang “people”. Siya lang ang alam kong naging Pangulo natin na nakabullet-proof vest at nasa loob ng bullet-proof glass sa kanyang pakikipag-usap sa kanila
-Ric Valmonte