KAHIT saang anggulo tingnan, ‘tila wala ngang katuturan ang nakaambang pagbabawal sa EDSA ng mga ‘provincial buses’ at sapilitang paglipat ng kanilang mga estasyon sa malayong lugar.
“Walang katuturan, laban sa mahihirap at pang-aapi sa mga probinsiyano,” ito ang pananaw ni Albay Rep. Joey Salceda sa naturang pagbabawal. Inis siya dito dahil ang mga kapwa niya Bikolano, na mga mula sa Kibisayaan ang lubhang mapeperhuwisyo nito.
Ang pagbabawal ay nakasaad sa Resolution 19-002 na pinagtibay noong Marso 21 ng Metro Manila Development Authority (MMDA) Metro Manila Council. Ipinagbabawal nito ang ‘bus terminals’ sa kahabaan ng EDSA at sapilitang ipinalilipat ang mga ito sa Valenzuela City para sa mga bus patungong Norte, at Sta. Rosa, Laguna, 39 na kilometro ang layo sa Manila, para naman sa mga bus patungong Bikol at Kabisayaan.
Ipatutupad sana ang hakbang na ito ngayong Abril, ngunit ipinagpaliban sa Hunyo dulot ng ilang kadahilanan, kasama marahil ang nalalapit na eleksiyon sa Mayo.
Suriin natin ang sitwasyon: Sa talaan, mayroong 2.8 milyong sasakyan sa Kamaynilaan -- 800,000 utility vehicles, 400,000 kotse, 120,000 truck, at 1.4 milyong mga tricycle. Kung ihahambing sa mga bilang na ito, kakapurit lang ang 4,000 provincial buses – 2,500 patungong hilagang Luzon at 1,500 patungong katimugan. Bukod dito, karaniwang nagsasakay at nagbababa lamang sila ng pasahero sa terminal nila, at higit na mahabang oras ang ginugugol sa labas kaysa sa Kamaynilaan.
Kung ganun ang situwasyon, alin at sino talaga ang lumilikha ng teribleng trapiko sa Kamaynilaan? Sa ilalim ng matinong panuntunan sa pampublikong pangangasiwa, dapat prioridad ang ‘public transport’ kaysa ano pa man. Sa buong mundo, giit ni Salceda, “maging sa New York o sa Tokyo, nasa pusod ng lungsod ang terminal ng mga pampublikong sasakyan”. Hindi niya maunawaan kung bakit kailangang “dapat maging 30 kilometro ang layo sa destino ng mga pasaherong probinsiyano.“
Tiyak na ibayong hirap at dagdag na gastos ang sapilitang paglipat ng mga bus terminal sa Valenzuela at Sta. Rosa, Laguna para sa mga taga-probinsiya na kaya sumasakay sa bus ay dahil hindi nila kaya ang mahal na pasahe sa eroplano.
Sa lundong ito, tama si Salceda: “Walang katuturan, laban sa mahihirap at pang-aapi sa mga probinsiyano” nga ang naturang pagbabawal.
Ayon sa kanya, “hindi ang bilang ng mga ‘provincial buses’ kundi ang kawalang disiplina ng mga driver ang dahilan ng sobrang magulong trapik sa Kamaynilaan. Tinawag naman ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines ang nakaambang pagbabawal na ‘band aid solution’ sa napakatinding karamdaman.
-Johnny Dayang