MULING nagsimula nitong Lunes ang taunang Balikatan Exercise sa pagitan ng mga sundalo ng Pilipinas at Amerika. Ito na ang ika-35 taon na idinaos ang programa, na may 4,000 sundalo ng Pilipinas at 3,500 tropang Amerikano na dinaluhan din ngayong taon ng 50 miyembro ng Australian Defense Force.
Limang taon matapos makamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa kolonya ng Amerika noong 1946, lumagda ang dalawang bansa sa isang Mutual Defense Treaty noong 1951. Nagsimula noong 1985 ang Balikatan na layuning palakasin ang ugnayan ng organisasyong pangmilitar ng dalawang bansa sa pamamagitan ng magkasamang pagsasanay. Taong 1992, isinara ng Amerika ang mga base nito sa Pilipinas, ngunit lumagda ang magkabilang bansa sa isang Visiting Force Agreement noong 1998 na nagtatakda ng pagsama at proteksiyon sa mga tropa ng Amerikano na bumibisita sa Pilipinas at mga sundalong Pilipino na bumibisita sa Amerika.
Balikatan ang naging pundasyon ng ugnayang militar ng Pilipinas at Amerika, kasama ng Australia na nakilahok sa taunang aktibidad mula noong 2004. Kabilang sa mga aktibidad ngayong taon ang nakasanayang panglupa, pangtubig at panghimpapawid na operasyon, kasama ng humanitarian at civic assistance na aktibidad—ang pagtatayo ng mga silid-aralan at klinika, pangkalusugang konsultasyon, at pagdaraos ng mga feeding program para sa mga bata.
Sa seremonya ng pagbubukas nitong Lunes sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, sinabi ni Brig. Gen. Christopher McPhillips, exercise director para sa panig ng US, na ang Balikatan ay isa na sa pangunahing military training exercises sa Pacific na nakatutulong upang mapanatili ang katatagan sa rehiyon. Inihayag naman ni Philippine exercise director, Lt. Gen. Gilbert Gapay, na pinapalakas ng Balikatan ang abilidad ng dalawang grupo para sa pagtugon sa anumang krisis na maaaring banta sa seguridad ng bansa.
Sa nakalipas na dalawang taon, karamihan sa mga nagiging banta sa pambansa at rehiyunal na seguridad ay mula sa mga Islamic jihadist na naghahangad na magtatag ng isang sentro sa TimogSilangan ng Asya para sa ISIS (Islamic State of Iraq and Syria). Ngayong napaalis na ang puwersa ng ISIS sa Syria, maaari nilang paigtingin ang kanilang pagsisikap para sa isang ISIS caliphate sa bahaging ito ng daigdig.
Ang South China Sea ay isa ring potensiyal na lugar ng sigalot, kung saan higit na naninindigan ang Amerika na dapat itong manatiling malaya at bukas sa lahat ng paglalayag at paglipad sa ilalim ng prinsipyo ng malayang paglalayag. Pansamantala, nagkaroon ng malaking pag-asa na mawawakasan na ang banta ng nukleyar ng North Korea, ngunit bigo na humantong sa isang pinal na kasunduang pangkapayapaan ang naging pagpupulong kamakailan nina US President Donald Trump at North Korean Leader Kim Jong Un sa Hanoi, Vietnam.
Sa gitna ng kawalan ng katiyakan, nagsimula nitong Lune sang ika-35 Balikatan Exercis. Tulad ng mga nakalipas, hangad nitong maiangat ang mga kalahok na puwersa ng militar sa pinakabagong mga armas at operasyunal na gawain.
Higit sa lahat, dapat itong muling magsiguro sa dalawang bansa na patuloy tayong magtutulungan sa mga pangamba at kapakanan ng seguridad sa bahaging ito ng daigdig at maging determinado na magkasamang magsumikap sa harap ng mga pagsubok.