HINDI pa rin nawawala ang balita tungkol sa sikat na aktres na bihirang gumawa ng teleserye pero hindi siya nawawalan ng datung.
Kaya bihirang gumawa ng serye ang sikat na aktres ay dahil mapili ito sa mga project bukod pa sa ayaw niyang lumalagare, dahil nang minsang magkasabay ang programa niya sa telebisyon at pelikula ay sa ospital ang bagsak niya.
Heto na ang kuwento sa amin ng iba’t ibang tao sa showbiz at mga kilalang negosyante at pulitiko, na gusto sana naming ipagtanggol ang sikat na aktres dahil hindi ganu’n ang pagkakakilala namin sa kanya ay baka naman sabihang ‘in denial’ kami.
“Hindi halata sa personalidad niya ‘no? Pero paborito siya ng lahat kasi mahusay makisama at mabait at masunurin naman daw,” kaswal na sabi sa amin.
Dagdag pa, “’Yang mga negosyante at pulitiko na ‘yan, magkakaibigan ‘yan siyempre nagkakakuwentuhan kung sino ang type nila at isa si (sikat na aktres) sa nababangit at dahil maganda at sexy, so kokontakin na siya. Alam mo na.”
Simple lang naman daw ang buhay ng sikat na aktres, “actually hindi siya magarbo, ‘pag manamit nga kita n’yo napaka-simple lang, polo at jeans lang. Pero mataba ang wallet niya, alam mo na. Okay naman ang bahay niya kasi matagal na niyang naipundar ‘yun at pati pamilya niya buhay na rin.
“Hindi mo rin masisisi kasi bread winner siya at matulungin din sa lahat kapag hiningan, kaya siguro may sideline.”
Marami pa kaming kuwentong narinig pero ayaw na naming isulat, hanggang dito na lang siguro kasi naaawa kami. Basta love namin ang sikat na aktres.
-Reggee Bonoan