NAIS malaman ng Supreme Court (SC) ang pangalan ng mga hukom na umano’y sangkot sa illegal drugs. Talagang uumpisahan na ng Korte Suprema ang pag-iimbestiga sa “narco-judges” na nasa narco-list ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) subalit hindi nila ito magawa dahil daw sa kawalan ng kooperasyon ng ahensiya.

Sinabi ng mga opisyal ng SC na nakiusap silang ibigay ang pangalan ng 13 hukom, pero tumanggi ang PDEA na ibahagi ang mga impormasyon at ebidensiya laban sa “narco-judges.” Kung matatandaan, sinimulan na ng SC ang imbestigasyon sa apat na hukom na idinawit ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa illegal drug trade noong 2016.

Ang apat, ayon sa mga report ay sina Exequil Dagala ng Dapa-Socorro sa Surigao; Adriano Sevillo ng Iloilo City; Domingo Casiple ng Aklan; at Antonio Reyes ng Baguio City. Sa report, sinasabing matapos ang imbestigasyon ng isang special fact-finding panel sa pamumuno ni retired SC associate justice Roberto Abad, iniutos ng SC ang administrative investigation laban kay Reyes samantalang nilinis nito ang tatlo pang hukom. Itinanggi ni Reyes ang bintang o alegasyon laban sa kanya.

Hindi ba ninyo napagmumuni-muni na sa ngalan ng anti-illegal drug war ng administrasyon, kayrami nang napatay na umano’y drug pushers at users nang walang due process dahil “nanlaban” daw? Sa ngalan ng hinalang kaanib ng CPP-NPA, kayraming mga magsasaka, manggagawa, ordinaryong tao, tulad ng 14 farmers, ang napatay ng mga tauhan daw ng AFP at PNP.

Usung-uso ang patayan ngayon. Halos araw-araw ay naririnig sa radyo at napapanood sa TV at nababasa sa mga pahayagan ang pagpatay sa buy-bust operations ng mga awtoridad ng hinihinalang mga sangkot sa droga. Ordinaryo ring balita ang ambush, kidnap at panggagahasa.

oOo

Dahil tag-init na ngayon at magsisiuwi sa mga probinsiya ang mga estudyante at mga tao para magbakasyon at ang mga turista naman ay pupunta rin sa mga lalawigan at bayan para palipasin ang init ng panahon doon, nagbabala si Rep. Carlos Roman Uybarreta, vice chairman ng House Committee on Energy, na posibleng magkaroon ng brownouts sa kanayunan dahil nga sa pagdagsa ng maraming tao.

Hindi lang daw napapansin ng mga kinauukulan na sa mga bayan at probinsiya, nagkakaroon din ng kakulangan ng kuryente at nagkakaroon ng brownouts kung kaya dapat maging handa ang mga power utilities sa pagkakaloob ng sapat na suplay ng kuryente. Tanging sa Metro Manila lang naka-focus sa brownouts.

oOo

Nananawagan ang Simbahang Katoliko at ang Peasants’ and Rights Groups na magsagawa ng malayang imbestigasyon hinggil sa umano’y pagpatay noong Sabado ng militar at pulisya sa14 na tao na kaanib daw ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Nangyari ito sa Canlaon City at dalawang bayan sa Negros Oriental. Itinanggi ng Peasants’ Group na mga komunistang rebelde ang napatay kundi mga ordinaryong magsasaka lamang.

-Bert de Guzman