Sinuportahan ng hepe ng Malabon City Police ang pahayag ni Mayor Lenlen Oreta na kalahati ng mga barangay sa lungsod ay drug-free na.

Malabon City Mayor Lenlen Oreta

Malabon City Mayor Lenlen Oreta

Ito ay makaraang sagutin ni Oreta ang banta ni Pangulong Duterte na aarestuhin siya kapag hindi niya napuksa ang ilegal na droga sa Malabon sa loob ng isang buwan.

Ipinagmalaki ni Oreta na siyam sa 21 barangay ang “drug-cleared” na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Department of Interior and Local Government (DILG).

Probinsya

Philippine Army, nagbigay-pugay sa opisyal na nagbuwis ng buhay sa MV Trisha Kerstin 3

Sa panayam ngayong Huwebes ng BALITA kay Col. Jessie Tamayao, hepe ng Malabon Police, sinuportahan niya ang pahayag ni Oreta, at sinabing halos kalahati ng mga barangay sa lungsod ay malinis na sa ilegal na droga.

Aniya, bukod sa siyam na barangay, pito pa ang idedeklarang drug-cleared ngayong Abril.

“This makes a total of 16 drug-cleared barangays out of the 21,” ani Tamayao.

Bukod dito, ginawaran ng DILG ang Malabon City ng silver award para sa Anti-Drug Abuse Functionality Audit, dahil sa epektibong programa laban sa droga.

Naniniwala naman ang mga tagasuporta ni Oreta na pulitika ang nasa likod ng pagpaparating ng anila’y maling impormasyon laban sa alkalde, na pinsan ni dating Pangulong Noynoy Aquino—isa sa mga kritiko ni Pangulong Duterte.

-Joseph Almer B. Pedrajas at Orly L. Barcala