“NASA top (itaas) ka, Maine Mendoza ka, hinahangaan ka, grabe ‘yung career mo at alam natin na puwedeng maapektuhan ‘to, alam natin ‘yun pero nilaban mo ang anak (Arjo Atayde) ko. Nagsalita rin siya na ‘we’re exclusively dating’, nagpapasalamat ako kasi ‘yun ang sinabi ng anak ko na sinegundahan niya,” ito ang madamdaming pahayag ni Sylvia Sanchez sa babaeng napupusuan ng anak.

Arjo at Maine

Dagdag pa, “ang dami kasing nagsasabing nangangarap lang ang anak ko, masakit ‘yun para sa isang nanay pero nu’ng sinabi ni Maine ‘yun na ‘yes exclusively dating kami’ masaya ako kasi hindi natakot si Maine at pinanindigan din niya ‘yung alam niyang tama.”

Nang unang ma-link si Arjo kay Maine ay kaliwa’t kanan ang pambabash sa aktor at masasakit na salita pa ang natatanggap, naririnig at nababasa sa social media ng pamilya Atayde.

Tsika at Intriga

'Anyare sa mukha?' Yassi Pressman, hindi nakilala sa sariling TikTok video

Sa kabila no’n ay hindi naman pinilit ni Ibyang ang anak na iba na lang ang ligawan niya.

“Nag-usap lang kami. Tinanong ko si Arjo kung bakit niya nagustuhan si Maine, sabi niya, ‘swak kaming dalawa, nagkakaintindihan kami, napapatawa siya.’ Minahal talaga niya (Arjo) si Maine, mahal na mahal talaga ng anak ko si Maine, nakikita ko,” kuwento ng aktres.

Sa tanong ni Boy kung si Arjo ang tipo ng lalaking sumusuko.

“Hindi!” mabilis na sagot ni Sylvia. Sabay sabing, “anak siya ng tatay (Art Ataye). Ilalaban ni Arjo si Maine while in fact, inilaban na!”

At inamin din ni Ibyang sa Tonight With Boy Abunda na hindi pa niya nakikilala si Maine.

“Hindi pa! Hindi pa! Kasi ang busy si Maine, busy ako, busy si Arjo tapos ang gulu-gulo kaya sabi ko ‘sige ‘pag okay na, ‘pag relax na, then go!’

“Ang gusto kong ginawa ng anak ko, pumunta siya sa bahay (Sta. Maria, Bulacan) nina Maine, umakyat siya sa bahay nina Maine which is dapat talaga. Ginagawa talaga ‘yan ng lalaki kasi gusto ko rin gawin din sa akin ng kahit na sinong manliligaw sa anak kong babae. So, ‘yun ang ginawa ng anak ko.

“So, maghihintay ako kay Arjo kung kailan niya gustong dalhin (sa bahay) si Maine. Sabi naman niya, ‘mom, soon, ipapakilala ko na siya sa inyo’, sabi niya ‘yan sa amin ng tatay niya,” pagtatapat ng aktres.

Samantala, magpapang-abot sa sinehan ang pelikulang Jesusa ni Sylvia na mapapanood na sa Abril 6 at entry sa ikalimang Sinag Maynila na idinirek ni Ronald Carballo at ang Stranded nina Arjo at Jessy Mendiola na palabas naman sa Abril 10.

“Wala, eh. Ganu’n talaga, kailangan kong tanggapin na darating ang araw na magkakatapat ang projects namin ng mga anak ko,” saad ni Ibyang ng tanungin namin ang tungkol dito.

-REGGEE BONOAN