PATULOY ang pag-iikot ng mga kandidato sa iba’t ibang lugar ngayong panahon ng kampanya.
Halos lahat ng isyu ay gusto nilang patsutsadahan bilang patunay na batid nila ang maiinit na isyu.
Sinong mag-aakala na tatalakayin din ni dating Ilocos Norte governor Imee Marcos ang mainit na isyu ng Republic Act 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act?
Pabor si Imee sa paggamit ng sticker o decal bilang kapalit ng plaka na gawa sa yero. Ang sticker o decal na nilalaman ang mga numero at letra na nakasaad sa license plate na ilalagay sa likurang bahagi ng motorsiklo ay mas ligtas gamitin kumpara sa plaka na gawa sa yero.
Nakasaad kasi sa RA 11235 na dalawang malalaking plaka ng LTO ang dapat na ikakabit sa unahan at likurang bahagi ng motorsiklo upang hindi ito magamit ng mga criminal sa kanilang ilegal na gawain.
Ayon sa naturang batas na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Marso 8, 2019, dapat na nababasa ang mga detalye sa plaka sa layong hindi bababa sa 15 metro.
Bukod dito, pumapalag din ang mga rider sa pagpapataw ng malaking multa na aabot sa P50,000 hanggang P100,000 sa mga rider na mahuhuling gumagamit ng motorsiklo na walang plaka, lalo na kung ang naturang sasakyan ang nagamit sa krimen.
Ang naging komento ni Imee sa mga opisyal ng LTO: Urong-sulong ang kanilang posisyon.
Tumaas lang ang kilay ni Imee sa usapin dahil, aniya, ang mga suhestiyon na ito na nanggaling sa mga opisyal ng Land Transportation Office (LTO) ay ‘panakip-butas’ lamang upang mapakalma ang mga rider.
Hindi naman maitatanggi na dinaga rin ang mga mambabatas, partikular na si Sen. Richard ‘Dick’ Gordon, nang magsagawa ng protest ride ang mga motorcycle club sa EDSA People Power Monument kamakailan.
Bagamat hindi rider si Imee, batid nito na sagabal sa aerodynamics ng motorsiklo kapag nilagay ang malaking plaka sa harapan nito.
“They are backpedaling on the plates, now saying that decals are okay. But the wording of the law needs to be changed,” bitaw ni Imee.
Aniya, dapat din hindi payagang mag-angkat ang mga motorcycle company ng mga motorsiklo na hindi maaaring makabitan ng malaking plaka.
Mas makabubuti na amiyendahan ang RA 11235 imbes na idaan ang mga suhestiyong ito sa implementing rules and regulations na maaari ring baguhin kinalaunan.
Riders, ano’ng say n’yo?
-Aris Ilagan