Natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay ang isang ginang at dalawa niyang anak na paslit, sa San Jose Del Monte, Bulacan—at umamin ang dalawang lalaking inaresto na pumalag ang mag-iina gayung magnanakaw lang sana sila.

Kinilala ang ginang na si Jaymme Casabuena, 28 anyos; habang ang dalawa niyang anak ay sina Anton Gabriel, 8; at Joaquin Mateo, limang taong gulang, na pawang nagtamo ng mga saksak sa katawan, at nakatira sa Barangay Kaypian, San Jose Del Monte.
Nadakip naman sina Wilson Nusal, 23; at Joselito Cortes, 48, kapwa nasa hustong gulang, sa magkahiwalay na follow-up operation sa San Jose Del Monte at Caloocan City.
Sa imbestigasyon, nadiskubre ang bangkay ng mag-iina nang tawagan si Casabuena ng kanyang kaanak upang ibalita ang pag-uwi ng kanyang ina mula sa Abu Dhabi nitong Miyerkules ng umaga, ngunit hindi sumasagot ang ginang.
Pinuntahan siya ng kanyang mga kaanak at nadatnang patay kasama ang dalawang anak, dakong 8:30 ng gabi nitong Miyerkules.
Bandang 4:30 ng umaga ngayong Huwebes nang unang nadakip si Nusal sa Caloocan City, at itinuro ang kasabwat niyang si Cortes, na dinakma naman sa Bgy. San Manuel, San Jose Del Monte.
Ayon sa pulis, kapwa umamin sa krimen ang mga suspek, at sinabing nanakawan lang nila ang mag-iina pero pumalag ang mga ito kaya pinagsasaksak nila.
Sinabi rin umano ng mga suspek na tinangay nila ang cell phone ng ginang at ibinenta ito sa halagang P200.
Kakasuhan ang mga suspek ng robbery with homicide.
-Fer Taboy at Freddie C. Velez