NASUKOL ng pulisya ang lalaking suspek sa pamamaril at pagpatay sa Grammy-nominated rapper na si Nipsey Hussle, bunga ng personal na away, sa Los Angeles nitong Martes, isang araw makaraan itong pangalanan ng awtoridad, inihayag ng pulisya.

NIPSEY

Ilang beses na binaril si Nipsey, 33, tunay na pangalan ay Ermias Asghedom, nitong Linggo ng hapon sa labas ng clothing store, ang Marathon Clothing, sa katimugang Los Angeles habang sugatan din sa insidente ang dalawa pang katao.

Dinakma ng mga awtoridad si Eric Holder, 29, sa Bellflower, Los Angeles, pahayag ni police spokesman Jeff Lee.

Tsika at Intriga

'Mas mahirap suportahan ang lokal na turismo dahil ang mahal!'—Bianca Gonzalez

Ani Lee, ang Los Angeles County Sheriff’s Department ang umaresto kay Holder, at nakabimbin pa ang pormal na kasong isasampa laban sa kanya. Ang debut studio album ni Nipsey, na Victory Lap, ay naging nominado para sa Best Rap Album sa Grammy Awards ngayong taon. Ginulantang ng pagkamatay niya ang mundo ng showbiz at hip-hop world, at maraming celebrities ang nagpaabot ng kanilang pakikiramay at pagkondena sa trahedyang inabot ng rapper.

Makaraan ang pamamaril, mabilis na tumakas sa lugar ng krimen si Holder, residente ng Los Angeles, lulan ng isang Chevy Cruze na minamaneho ng isang babae, pahayag ni Police Chief Michel Moore sa mga mamamahayag.

Ang driver ng sasakyan ay person of interest ngayon ng pulisya.

Samantala, walang impormasyon ang awtoridad na maiuugnay sa gang ang pagkamatay ni Nipsey na minsang naging kasapi ng street gang.

Mataas ang bilang ng insidente ng pamamaril sa lugar na pinangyarihan ng pamamaril kay Nipsey, sabi naman ni Los Angeles Mayor Eric Garcetti sa isang news conference.

Nitong Lunes, nagtipun-tipon ang madla sa labas ng clothing store ni Nipsey para magdasal. Ilang katao sa mga dumalo ang nagsabing nakarinig sila ng ‘gunfire’, kaya nagkaroon ng stampede na nagresulta sa pagkakasugat ng 12 katao at dalawa sa mga ito ang lubhang nameligro, ayon sa media reports.

Lumaki si Nipsey, na isang Eritrean descent, sa katimugang Los Angeles. Inamin niya sa publiko na minsan siyang naging miyembro ng street gang, ngunit mas pinili niyang maging community organizer at aktibista na siya kamakailan.

Nang araw na mabaril ay magkikita sana sila ni Steve Soboroff, presidente ng Los Angeles Police Commission, para pag-usapan ang iba’t ibang pamamaraan upang mapigilan at mapuksa ang gang violence sa kanyang lugar, lahad ni Soboroff.