Arestado ang isang bagitong pulis, na umano’y sangkot sa illegal drug activities, kasama ang kanyang ama at tiyahin sa buy-bust sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.

BUY-BUST

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director, Police Brig. Gen. Joselito Esquivel Jr., ang naarestong pulis na si Patrolman Darryl Galendez, 25, ng Valenzuela City at nakatalaga sa Police Community Precinct 2 ng Malabon City Police Station.

Inaresto rin ang ama ni Galendez na si Daniel Galendez, 50, at tiyahin niyang si Estella Alfonso, 36, ng Barangay Pasong Tamo, Quezon City.

Tsika at Intriga

Andi Eigenmann, pinabayaan na raw ba talaga sarili niya?

Sa press conference sa QCPD headquarters sa Camp Karingal nitong Miyerkules, sinabi ni Esquivel inaresto ang tatlo sa buy-bust ng mga tauhan ng Talipapa Police Station (PS-3) sa bahay ni Alfonso sa No. 23 MacArthur Street.

Ayon kay PS-3 chief Police Lt. Col. Alex Alberto, nag-ugat ang operasyon sa anim na buwang surveillance laban kay Galendez at kanyang ama nang makatanggap ng impormasyon hinggil sa kanilang ilegal na aktibidad sa Bgy. Pasong Tamo.

Nang makumpirma, nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng PS-3 Drug Enforcement Unit laban sa mga suspek, dakong 10:30 ng gabi.

Bumili ang isang undercover police ng P200 halaga ng shabu sa mga suspek, na sanhi ng kanilang pagkakaaresto.

Gayunman, isa sa kanilang mga kasama, si "Balawis", ay nakatakas sa operasyon at kasalukuyang tinutugis.

Nakuha sa mga suspek ang pitong pakete ng umano’y shabu, isang 'di lisensiyadong .45 caliber pistol, apat na cell phone at buy-bust money.

Ayon kay Esquivel, ang nakababatang Galendez ay sangkot na sa illegal drug activities bago maging pulis noong 2017.

Kakasuhan ang mga inaresto sa paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Karagdagang kaso para sa illegal possession of firearms in relation to the existing Omnibus Election Code laban sa police officer.

-ALEXANDRIA SAN JUAN at JUN FABON