SINIMULAN ni Pope Francis ang kanyang pagbisita sa Morroco sa North Africa nitong nakaraang Sabado. Halos maituturing na bansang Muslim, at miyembro ng Arab League.
Marami nang bansa ang nabisita ng Santo Papa sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kabilang Pilipinas, na apat na beses na niyang napuntahan. Noong 2016 lamang, nabisita ng Santo Papa ang mga bansa ng Cuba, Mexico, Greece, Armenia, Poland, Georgia, Azerbaijan, Sweden, Egypt, Portugal, Colombia, Myanmar, Bangladesh, Chile, Peru. Switzerland, Iceland, Estonia, Latvia at Lithuana. Ngayong taong 2019, nabisita na niya ang Panama at United Arab Emirates. At nitong nagdaang linggo, nagpunta siya sa Morocco.
Ikinalulugod din ni Pope Francis na ang Morocco ay isa sa mga bansang Islam na matinding nagsusulong ng Islam na nagtatakwil sa “extremism”. Ayon sa Santo Papa ang “Religious Extremism” ay isang “offense against religion and against God himself.”
Ngunit sa kanyang pagbisita, pinili ni Pope Francis na higit na pagtuunan ng pansin ang isyu ng migrasyon at mga refugee na sumakop sa pulitikal na talakayan at pagkakahati sa ilang mga bansa sa kasalukuyan, mula sa Hilaga ng Africa patungong Europa, hanggang Amerika.
Migrasyon ang nasa sentro ng kaguluhan sa politika ng Amerika, sa ngayon, kung saan idineklara ni President Donald Trump na isasara niya ang border sa Mexico ngayong linggo, upang mahinto ang maraming Central Americans na naghahangad na makatakas sa krimen at paghihirap sa kanilang mga pinagmulang bansa, sa pag-asang makahanap ng mas magandang buhay sa US, na maituturing na bansa ng mga imigrante.
Nagdeklara ang Pangulo ng Amerika ng “national emergency” upang magamit niya ang pondo na inaprubahan ng Kongreso para sa mga programang konstruksiyon sa Pentagon at sa halip ay gamitin sa pagtatayo ng pader sa bahagi ng hangganan ng bansa sa Mexico. Agad na inaprubahan ng Kongreso ng Amerika ang isang resolusyon na naghahayag na walang “national emergency”, ngunit mabilis itong nai-veto ng Pangulo. Hinihintay ngayon ng bansa—at ng mundo—kung ano ang mangyayari kung isara ang lahat ng daan papasok sa Estados Unidos ngayong linggo, lubusang pagbabawal sa pagpasok ng lahat ng imigrante mula sa timog.
“Migration is a wound that cries out to heaven,” inihayag ng Santo Papa sa pambungad na seremonya sa Rabat, Morocco. “The issue of migration will never be resolved by raising barriers, fomenting fear of others, or denying assistance to those who legitimately aspire to a life for themselves and their families,” dagdag pa niya.
Ito ang pinakabagong pangyayari sa nagpapatuloy na mga kontrobersiya sa mundo ngayon. Hindi man tayo direktang epektado ng mga ito, alam natin kung nasaan ang ating simpatya. Noong tila tinatalikuran ng mundo ang mga Hudyo na nahaharap sa pagpuksa ng kanilang lahi sa Nazi Holocaust noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binuksan natin ang ating bansa sa mga ito.