NAKAHIHIYA mang aminin, sa kabila ng pagiging “street smart” ko, na pinanday sa kinalakihan kong distrito ng Tundo sa Maynila, ay makailang-ulit na rin akong nagoyo ng mga online scammer, na bukod sa nabentahan at nakatanggap ako ng walang kuwentang item, ay napagbayad at pinaghintay pa na parang poste, dahil ‘di naman nai-deliver ang kinatakaman kong gadget na naka-advertise sa social media.

Sa madaling sabi, biktima ako ng fake ads na bigla na lamang naglilitawan sa ating mga social media account na gaya ng Facebook, Twitter at Instagram, na talaga namang katakam-takam sa mga tulad kong mahilig sa mga baratilyong gadget na nagkalat sa merkado.

Ang masama rito ay hindi pa ako nadala sa minsanang pagkagoyo, bagkus ay paulit-ulit akong nauto ng mga fake ads na ito – umaasa na konti lang ang mga taong manloloko sa mundo, lalo na sa online business na kinababaliwan ngayon ng marami. Maling-mali pala ako sa paniwalang ito.

Ang leksiyon na aking unang natutuhan para sa pagkahumaling ko sa online shopping ay ito: Dapat ay sa mga kilala at respetado na lamang na internet shopping site pumunta upang makasiguro na may mataas na kalidad ang item na iyong babayaran. Bukod dito, mas sigurado na mapangangalagaan din ang mga confidential information – gaya ng mga card numbers ng Credit Card, Debit Card at bank account -- na hinihingi ng shopping site kapag kailangan ng magbayad.

Ayon sa Google, ang unang 10 respetadong internet shopping site sa buong mundo na pinupuntahan ng mga online shoppers ay ang mga sumusunod: 1.Amazon.com, 2. Ebay.com, 3.Walmart.com, 4.Etsy.com, 5.Target.com, 6.Aliexpress.com, 7.Costco.com, 8.Kohls.com, 9.Wish.com, at 10. Sears.com

May sariling kinalolokohan din na mapagkakatiwalaang mga internet shopping site ang ating mga kababayan dito sa Pilipinas: 1.Lazada, 2. Zalora Philippines, 3.OLX (formerly Sulit.com.ph), 4. Shop This Easy, 5. Ayos Dito, 6.Widget City, 7.Keekay.ph, 8.Goods.ph, 9.WeeMall, at 10.HalloHallo Mall.

Ang mga ito ay madaling kontakin sakaling magkaaberya ang binili sa kanilang on ine shopping site, ‘di gaya ng mga “hao siao” na internet site na mahirap kontakin dahil walang return address, contact numbers, at maging ang email nito ay ginawa lamang mula sa mga “free sites”.

‘Yun lang, sobrang nakapaglalaway ang video ng mga produktong ibinebenta ng mga “scammer” at maging ang presyo ng paninda ng mga ito ay “too good to be true” – at ito mismo ang nakadale sa akin ng makailang ulit. Tigas ulo ko kasi eh!

Ilang ulit na rin akong nagpadala ng reklamo sa email address ng mga napuntahan kong “hao siao” na shopping site para sabihin na wala pa akong natatanggap sa order ko na fully paid na. Wala naman akong napala – maliban sa animo may pang-iinis na sagot na ganito: “We have delivered your items, better check with you neighbors who might have taken interest on the items you ordered from us!”

Kaya tuloy para sa akin sa ngayon, ang pinaka-safe na paraan ng pagsa-shopping online ay huwag ng gumamit ng kahit anong card at bank account – dapat ay “cash on delivery” o C.O.D na lamang at siguruhing bago pakawalan ang inyong pera ay masisiyahan kayo sa item o gadget na nasa inyong harapan.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].

-Dave M. Veridiano, E.E.