SINABI ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na para hindi maghinala ang taumbayan na ang PNP ay may kinikilingan at pinoprotektahan kundi serbisyo lamang (sounds familiar), pabor siya na pangalanan ang mga celebrity na dawit sa illegal drugs at kasama sa watchlist.
Ayon sa kanya, para maging patas ang pagtrato ng gobyerno, dapat malaman ng publiko ang showbiz personalities na nasa listahan ng PDEA, PNP, NBI at iba pa, na may kaugnayan sa illegal drug trade, gaya ng paghahayag nina Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) at DILG Sec. Eduardo Año sa mga kandidato/pulitiko na nasa narco-list.
Gayunman, sinabi niya na ang desisyon sa pagsasapubliko ng mga pangalan ng mga artista at talent na nasa listahan ay dapat na ang PDEA, DILG at ang Tanggapan ng Pangulo ang magpalabas. Una rito, sinabi ni PDEA chief Director General Aaron Aquino na may 31 celebrities, kabilang ang 11 aktres, na nasa kanilang watchlist.
Hindi pabor si Aquino na i-release ang mga pangalan ng celebrities dahil kumakalap at nagtitipon pa sila ng mga impormasyon at ebidensiya laban sa kanila. Kailangan pa ang masusing validation upang hindi maisama ang mga artista na wala namang kaugnayan sa kalakalan ng droga.
Samantala, pinayuhan ng Malacañang ang mga artista na gumagamit ng illegal drugs o nagbebenta ng mga ito, na tumigil na bago sila madakip ng mga awtoridad. Para naman kay Senate Pres. Vicente Sotto III, dapat ihayag ng PDEA sa publiko ang celebrities o personalities na nasa drug watchlist. Ayon kay Sotto, hindi lang mga artista kundi maging mga basketball player at kilalang public figures ang umano’y sangkot sa illegal drugs.
Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, pinag-aaralan ngayon ng Pangulo ang “pros at cons” ng pagsasapubliko ng listahan ng celebrities na sangkot droga. Hiniling naman ni Sen. Leila de Lima na magsagawa ng imbestigasyon ang Senado hinggil sa umano’y pagkakasangkot ni ex-presidential economic adviser Michael Yang sa illegal drug trade sa Pilipinas.
oOo
Si De Lima na nakakulong ngayon sa Camp Crame dahil sa drug charges, ay naghain ng Senate Bill 1033 at hiniling din na suriin ng Senado kung ang pagkakahirang kay Yang bilang economic adviser ni PRRD ay naabuso para sa personal na benepisyo na posibleng makaapekto sa pambansang seguridad at kapakanan.
Sinabi ni Panelo na hindi makikialam ang Malacañang sakaling mag-imbestiga ang Senado tungkol kay Yang. Wala raw masama sa gagawing imbestigasyon bagamat duda ang Pangulo sa kredibilidad ng dinismis na police officer na nagsasangkot kay Yang sa illegal drugs.
oOo
May plano ang Philippine Coast Guard (PCG) na i-recruit ang mga mangingisdang Pinoy upang tumulong sa pagtukoy sa mga smuggler na nagpapalutang ng mga cocoaine sa karagatan. Partikular na itatalaga ang mga mangingisda na bahagi ng PCG sa eastern seabord, na malimit may natatagpuang mga droga. Sila ay sasanayin para manmanan ang suspicious vessels na naghuhulog o nagpapalutang ng illegal cargo sa karagatan.
Opinyon ng taumbayan, bakit nais nilang tumulong sa illegal drug trade war ng gobyerno ang mga mangingisdang Pilipino, eh hindi naman matulungan ang mga ito sa pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa pangingisda sa Panatag Shoal at iba pang parte ng karagatan na teritoryo ng PH?
-Bert de Guzman