NAKAKAALIW talaga ang bashers ng mga Atayde, dahil bawat post ng pamilya sa social media ay binibigyan ng masamang kahulugan.

Sylvia

Katulad na lang nang mag-post si Arjo Atayde noong nakaraang buwan na palabas na ang serye niyang Bagman sa iWant, kung saan nagkomento ang ina niyang si Sylvia Sanchez na iaangat ang aktor ng nasabing digital series.

Kapag magkakasama ang pamilya Atayde ay nagkukuwento si Arjo ng tungkol sa mga project niya at mga eksenang ginawa niya, tulad sa Bagman, The General’s Daughter, at ang upcoming movie nila ni Jessy Mendiola na Stranded mula sa Regal Entertainment.

Tsika at Intriga

'Bawal pikon dito!' Jellie Aw, 'game' sa round 2 bugbugan kay Jam Ignacio

At dahil unang beses gumawa ni Arjo ng romantic comedy film kaya bagong putahe ito para sa kanya, bukod pa sa kakaiba ang istorya at maganda ang daloy ng kuwento.

Pero para kay Sylvia, na umabot na halos sa tatlong dekada sa showbiz, kapado na niya kung ano ang magandang project na mag-aangat sa isang artista.

At nabanggit nga niya na ang Bagman ang mag-aangat kay Arjo bilang aktor. Pero kinontra ito ng binata at ipinagpilitan na ang pelikulang Stranded ang magpapasigla pa sa kanyang husay sa pag-arte.

Kaya ang ending, nagpustahan sila. May comment si Ibyang sa post ni Arjo na nagpustahan sila at nanalo ang aktres.

Hayun, pinik-ap na ng bashers at sinabing “si Maine Mendoza ang pinagpustahan ng mag-ina”, na “parehong mukhang pera”. Ganu’n kababaw ang bashers ng mga Atayde.

Kaya pala sa guesting ni Sylvia sa programang Tonight with Boy Abunda nitong Lunes, natanong ni Boy kung ano ‘yung tungkol sa pustahan at kung si Maine ba ito?

Nag-react na ang bida ng pelikulang Jesusa: “Bakit namin pagpupustahan si Maine? Bakit ako papayag na pagpupustahan namin ang isang babae, babae rin ako,” ani Sylvia.

“Si Arjo kasi proud ‘yan sa lahat ng projects niya at ikinukuwento niya lahat, at sabi niya Stranded daw ang magtatayo sa kanya. Sabi ko, ‘nak Bagman’. Hindi kasi alam ni Arjo na ganito kalaki ang Bagman kasi sa iWant ipapalabas, kumpara sa Stranded na mainstream.

“Sabi ko, ‘’nak itatayo ka ng Bagman at itatayo mo rin ang Bagman. Sige ganito, kapag ikaw tumayo at pinag-usapan ang Bagman, itinaas ka ng Bagman, mananalo ako ha, pustahan tayo’. Tapos sabi niya, ‘Stranded ako Mom!’ Sabi ko ‘sige!’

“Hayun pustahan kami, P100,000. Eh ngayon itinaas siya ng Bagman sabi ko maniningil ako, sabi niya, ‘mom hindi ako nagsabi niyan!’ Nasa akin ang pera niya kaya wala siyang magagawa!”tumatawang kuwento ni Sylvia sa TWBA.

Naikuwento na ito sa amin ni Ibyang noong magkakasama kaming manood ng Captain Marvel sa Shangri-La at tinanong ko siya kung tinotoo niyang bawasan ng P100,000 ang pera ng anak.

“Oo, eh, talo siya (Arjo) para may pang-shopping ako,” sabi, sabay halakhak.

Pero naniniwala naman kami na kahit pa sinabing talo si Arjo sa pustahan nila ni Sylvia ay hindi babawasan ni Ibyang ang pera ng anak, biniro lang niya tiyak ang aktor.

Sa mga nagsasabing mukhang pera ang mag-inang Sylvia at Arjo, lahat ng anong mayroon sila ngayon ay galing iyon sa pinagpaguran at pinagpuyatan nila sa shootings at tapings. Walang halong hanky-panky ang dalawa maski i-research pa nila ‘yan.

Sa kabilang banda ay may punto rin naman si Arjo na kaya tinayaan niya ang Stranded ay dahil first ever romantic comedy movie nila ito ni Jessy, at may input din sila base sa kuwento ng direktor nilang si Ice Idanan.

Naniniwala rin kami na itatayo si Arjo ng Stranded kapag pinanood na ito sa Abril 10 mula sa Regal Entertainment.

-REGGEE BONOAN